LABIS ang pag-aalala ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) President at Davao Archbishop Romulo Valles sa mga biktima ng panibagong 6.5 magnitude na lindol na yumanig sa Mindanao kahapon ng umaga.
Kasabay nito, tiniyak din ni Valles na ipinapanalangin ang mga taong naapektuhan ng lindol, partikular na ang mga pinangangambahang na-trap sa loob ng bumagsak na gusali sa Ecoland Drive Davao City at Kidapawan City makaraan na muling yanigin ng malakas na lindol.
“We raise our minds and heart to the Lord and sincerely offered prayers for those people in great fear and anxiety and tension,” ayon kay Valles, sa panayam ng church-run Radio Veritas.
Pagsasalarawan ng arsobispo, malakas ang lindol na naramdaman sa Mindanao nitong Huwebes ng umaga, na nagdulot ng takot sa mga residente dahilan upang kanselahin ang klase at trabaho sa malaking bahagi ng Davao Region at North Cotabato.
Anang arsobispo, maituturing na bad indicator ang pagbagsak ng ilang gusali sapagkat nangangahulugan ito na lumalakas ang pagyanig ng lupa na malaking banta sa kaligtasan ng mamamayan.
Hinimok din niya ang buong sambayanan na magkaisang manalangin para sa katatagan at pangalagaan ang bawat isa sa gitna ng mga sakuna sapagkat mahalaga ang pagtutulungan.
“The bigger population will pray to the Lord that they will keep calm, alert and to be watchful for each other; to be caring,” anang CBCP President.
Pagtiyak pa ni Valles, kaisa ng mga mamamayang nakararanas ng pagsubok ang Panginoon.
“We believe that He (God) does not abandoned us; He is there for us!” saad ni Archbishop Valles. ANA ROSARIO HERNANDEZ