NOONG nakaraang linggo, ang Meralco ay pumirma ng Power Supply Agreement (PSA) sa tatlong Generating Companies (Gencos) na may kabuuang 1,200 megawatts na magsusuplay ng koryente sa Meralco simula ika-26 ng Disyembre 2019. Ang nasabing PSA ay tatagal ng 10 taon.
Ang PHINMA Energy Corporation, San Miguel Energy Corporation at South Premiere Power Corporation ang tatlong Gencos na nagwagi sa bidding alinsunod sa ipinatutupad ng Department of Energy (DOE) sa ilalim ng Competitive Selection Process (CSP).
Sinundan pa ito kahapon ng isa pang kasunduan ng PSA para sa 500 megawatts simula sa ika-26 ng Disyembre sa loob ng limang taon. Ang mga nanalong Gencos dito ay ang San Miguel Power Group, FirstGen Power Group at ang Ayala/PHINMA Power Group.
Ang susunod na hakbang ay ang pag-file nito sa Energy Regulatory Commission (ERC) para sa masusing pagsusuri bago mabigyan ng pormal na aksiyon ang nasabing kasunduan.
Ito ang kauna-unahang isinagawang CSP matapos na katigan ng Korte Suprema ang DOE circular na nag-uutos sa lahat ng distribution utilities (DU) at electric cooperative na idaan ang mga PSA sa ilalim ng CSP. Isinagawa ang bidding sa ilalim ng CSP ng isang Third-Party Bids at Awards Committee (TPBAC) na ayon sa DOE circular.
Ito na ang panahon kung saan ang mga konsyumer ang tunay na panalo at makikinabang dahil sa mas pinababang presyo ng generation charge. Ang mga kondisyon sa kontrata ng mga PSA ay pabor din sa mga konsyumer.
Ayon kay Phinma President and CEO John Eric T. Francia, nagdesisyon sila na lumahok sa bidding sa kabila ng mataas na peligrong maaaring idulot ng kontrata sa kanilang negosyo. Tila naniniwala at sinusuportahan nila ang ideyolohiya ni Meralco President and CEO Atty. Ray C. Espinosa na unahin ang kapakanan ng mga konsyumer. Batid din ito ni SMC President and COO Ramon S. Ang na lumahok din sa CSP sa kabila ng mababang presyo ng bidding na kanyang inilarawan bilang pigang-piga.
Sinabi pa ni Espinosa na ang mga isinumiteng bid ng mga nanalong Gencos ay napakababa sa kasalukuyang presyo ng generation rates. Dagdag pa rito, ang ‘Levelized Cost of Energy’ (LCOE) ay mas mababa pa sa kasalukuyang generation charge na aprubado ng ERC.
Nangangahulugang PANALO ang mga customer ng Meralco sa isinagawang CSP. Dahil pa rito, ang mga Meralco customer ay tatamasa ng mahigit P13 billion savings kada taon sa susunod na limang taon dahil sa dalawang pinirmahang PSA.
Ito ay masasabing isang tunay na serbisyo publiko ng Meralco. Magandang kaganapan ito na pabor sa mga customer ng Meralco sa ilalim ng pangangalaga ni Atty. Ray E. Espinosa. Magandang pangitain ito sa hinaharap ng Meralco.
O, mga militanteng grupo… ano ang masasabi ninyo rito? Babatikos na naman kayo? Tama na ‘yan! Isipin natin ang totoong diwa ng tunay na pamamalakad ng negosyo. Kailangang maging sustainable ang negosyo subalit kailangang ibigay rin ang wastong serbisyo at presyo sa kanilang mga customer. Ganito ang nangyari sa isinagawang matagumpay na CSP ng Meralco.