PANALO NG UNITEAM TINIYAK NG MGA TAGA MALABON

Sherwin Gatchalian

PATULOY na nadadagdagan ang mga nagpapahayag ng kanilang suporta na lalo pang nagpapalakas ng tsansa ng tambalang Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos at Inday Sara Duterte ilang araw na lang bago ang halalan.

Kasabay nito tiyak na panalo ang ipina­ngako ng libo-libong residente ng Malabon na dumalo sa grand rally ng UniTeam na ginanap sa Pinagtipunan Circle, Brgy. Potrero nitong Linggo.

“May nanalo na!” ang sigaw ng mga taga-suporta ng UniTeam kaya’t hindi napigilan ni Marcos na sagutin sila ng, “Ganun ba? Sige, magpapasalamat na lang pala ako.”

Ang suporta sa nangungunang tambalan ay damang-dama simula pa lang sa ginanap na motorcade sa siyudad kung saan kitang-kita ang kasiyahan sa mukha ng mga residente sa kabila ng init na kanilang tiniis makita lang si Marcos.

Mismong si Senador Sherwin Gatchalian, isa sa mga senatorial bet ng UniTeam, ay namangha sa rami ng tao na sumalubong sa kanila.

“Pang-pitong kampanya ko na ito pero ito lang ang nakita kong pinakamaraming taong sumasalubong sa caravan. Halos hindi na ma­kagalaw ang caravan sa dami ng taong sumasalubong,” sabi ni Gatcha­lian.

Hinimok naman ni Marcos ang mga taga-Malabon na alalahanin na ang kanilang mainit na pagtanggap sa UniTeam ang siya ring umpisa ng kanilang pagkakaisa sa siyudad.

“Alalahananin natin na sa init ng ating salubong, ngayong araw na ito sinimulan ang kilusan ng pagkakaisa. Hanggang sa makamit natin ang tunay na tagumpay na napagkaisa natin ang mga Pilipino,” sabi niya.

“At masasabi na natin, kaming mga Pilipino, kahit ano ang ibato niyo sa amin ay makakalagpas kami dahil ang mga Pilipino ay nagmamahalan, nagtutulungan at nagkakaisa,” wika pa niya.

Samantala, sinabi naman ni multi-talented singer entertainment celebrity Randy Santiago, na wala siyang natatanggap na anumang kabayaran sa kanyang pagsama sa UniTeam, dahil naniniwala siya sa adbokasiya nila taliwas sa mga paratang na ang mga artistang kasama ng UniTeam ay bayad ng malaking halaga.

“Voluntary po ang pagsama ko sa mga rally para mag-host, etc.  Lahat naman ng kandidato may qualifications at may tapat na hangarin para maglingkod sa bayan. Pero siyempre kailangan mo ring pag-isipan kung sino ang susuportahan mo,” sabi ni Santiago.

“Sa tingin ko sina BBM at Sara ang magiging maganda ang pamamalakad sa bansa. Naniniwala ako na kailangan talagang magkaisa para mai-angat at umunlad ang Pilipinas at ang UniTeam lang ang may ganitong advocacy,” dagdag pa niya.

Ito rin ang pinaha­yag ng komedyanteng si Brod Pete.

“Sina BBM at ang buong UniTeam ang makakapagpabangong muli sa Pilipinas. Tama ‘yung sinasabi ni BBM na kung sila ni Mayor Sara na galing sa Norte at sa Mindanao ay nagkaisa, makakaya nila mapagkaisa ang buong bansa,” sabi nito.

“Talagang sumusuporta ako sa kanila dahil ang pamilya namin ay talagang supporter ng mga Marcos kasi ang tatay ko ay talagang loyalista. Nakagisnan ko na siyang hangang-hanga kay Presi­dent Marcos, lalo na pag nag-i-speech si Macoy, bilib na bilib ang tatay ko,” aniya pa.

Ayon naman kay Helen Jacobe ng BBM-Sara Movement, buo ang kanilang suporta para kay Marcos at Duterte dahil naniniwala silang ito ang magdadala ng pag-unlad sa bansa.

Ang mga residente naman ng Barangay Potrero na sina Carina Montarez, Lina Lualhati, at Myrna Montarez na ilang oras nag-abang sa rally site ay sinabing kaya nilang magtiis basta makita at marinig lang si Marcos.