PANALO SA LOTTO

USAPING BABAE

ANO ang gagawin mo sa isang bilyong piso? Para sa milyon-milyong Filipino na tumaya para sa bola sa lotto kagabi, mahalaga na napag-isipan na ang sagot sa tanong na ito.

Kung tutuusin ay mga P700 milyon lang ang aktuwal na perang makukuha pagkatapos ng bola dahil sa mga buwis at iba pang kaltas sa ganitong ganansiya. At siyempre, mahahati pa ito kung may iba pang nanalo. Pero kahit anong hati pa ang gawin mo, tiyak na mala­king pera pa rin ang iyong makukuha at kailangang may ideya ka na kung ano ang gagawin mo rito.

Dahil isa ako sa umaasang mananalo ng isang bilyong piso sa lotto, ito ang plano ko kapag sinuwerte ako. Antimano ay ilalagak ko sa time deposit ang P100-M para siguradong kikita ako kahit P875,000 kada buwan mula rito na hindi ko na kayang ubusin para sa panggastos ko sa isang buwan. Ito ay batay sa 30-day time deposit rate ng BDO na hindi naman siguro magsasara.

Ito ang una kong paglalaanan dahil ayo­kong matulad sa kumare ng biyenan ko na nanalo ng P60-M sa lotto noong araw pero ngayon ay mas naghirap pa sa amin. Maayos na ang buhay nila noon dahil sa seaman ang kanyang asawa at nakatira sila sa isang maayos na subdivision sa Parañaque. Subalit sa mga maling negosyo at gastos inilagay ang ganansiya sa lotto kaya biglang nagipit sa rami ng kailangang bayaran at wala nang regular na kita. Nang magsimulang magipit ay nalulong sa casino sa pag-asang muling susuwertehin. At dahil dito ay lalo silang naghirap na pati mga gamit sa bahay ay ibinebenta na at tuluyan na silang naghiwalay na mag-asawa.

Isang malaking trahedya kung nabigyan ka na ng ganitong biyaya ay lalo pang napasama ang iyong buhay. Kaya ang unang bagay na dapat isipin ay kung paano mo matitiyak na hindi na mawawala at mapalago pa ang biyayang ito.

Pagkatapos kong maglagak sa time deposit ay isisinop ko ang pamilya ko. Ibibili ko ang mga anak ko ng lahat ng insurance at trust fund na kahit tig-sampung mil­yong piso lang. Bibili rin ako ng pre-selling na condo na malapit sa amin. At siyempre, bibigyan ko rin ng parte ang lahat ng kapatid ko at mga kamag-anak. Marapat din na maglaan para sa paborito mong charity.

Ang susunod kong paglalagyan ay ang pagpapalago ng kasalukuyan kong negosyo. Isang pagkakamali noong si kumare ay pumasok sa negosyong hindi niya kabisado. Kaya lahat ito ay nalugi lamang.

Maglalaan din ako ng ilang milyon upang malibot naming pamilya ang buong mundo. Ito na siguro ang tanging luho na paggagamitan ko ng panalo ko. Hay! Napakasarap mangarap!

Wala pang bola sa kasalukuyan na isinusulat ko ang kolum na ito. Pero kung binabasa ninyo na ito, alam na na­ting lahat kung may na­nalo na sa bilyong pisong bola na ito ng lotto. Kung sino man ang palaring manalo, sana ay tunay na mapakinabangan niya ang biyayang ito hindi lang upang mapabuti ang kanyang buhay kundi pati ng marami pang tao. Ang dalangin ko, sana ako ‘yun! Amen.

oOo

Pagbigyan ninyo rin ako na batiin ang espes­yal na babaeng ito sa buhay ko – kay Corrie, maligayang kaarawan! Nawa’y lalo pang huma­limuyak ang bawat araw sa buhay mo.

Comments are closed.