KINUBRA na ng isang traysikel drayber mula sa Calamba City, Laguna ang kalahati ng jackpot prize mula sa Grand Lotto 6/55 draw na binola noong ika-7 ng Enero, 2023 sa PCSO Main Office, Shaw Boulevard, Mandaluyong City.
Matatandaang dalawa ang masuwerteng nakatumbok ng winning kombinasyong 44-13-19-33-27-39 sa nasabing palaro para sa jackpot prize na P142,580,483.20.
Batay sa salaysay ng 50- anyos na drayber, mahigit sampung taon na siyang tumataya sa lotto at sa katunayan nga raw ay naranasan na rin niyang minsang manalo ng second prize sa parehong lotto draw ilang taon na ang nakakalipas.
Ginagamit na raw niya ang winning combination na ito pagkatapos niyang mahulaan ang lima sa anim na tamang numero sa palarong iyon.
Nang tanungin kung anong plano niya sa nakuhang premyo, anya, “Unang-una, ibibili ko ito ng lupa, magpapatayo ako ng mga apartments, private resort at iba pang mga negosyo.
Ilalaan ko rin ang iba para sa pag-aaral ng dalawa kong mga anak.”
Hinikayat din niya ang publiko na patuloy na tangkilikin pa ang mga palaro ng PCSO dahil parte ng kita nito ay napupunta at ipinopondo sa iba’t-ibang programa at serbisyong medikal ng Ahensya.
““Lubos po ang aking pasasalamat sa PCSO. Sa mga kapwa ko manlalaro, patuloy sana nating tangkilikin pa ang lotto at maniwala dahil di lang tayo ang nagkakaroon ng pag-asa, maging ang mga taong nabibigyan ng tulong at kalinga ng PCSO. Tunay na darating sa buhay natin ang suwerte.”
Bilang pagsunod sa RA 1169, ang mga nagwagi ay binibigyan ng isang (1) taong palugit mula sa araw ng bola upang kunin ang kanilang napanalunang papremyo.
Pinaaalalahanan ang lahat na ang mga premyo na higit sa P10,000.00 ay may kaakibat na 20% tax alinsunod sa TRAIN LAW. Elma Morales