PANALO SI DAVID LABAN KAY GOLIATH SA SPEAKERSHIP

Magkape Muna Tayo Ulit

HAY, salamat. Natapos na rin ang teleserye sa Kongreso. Ang nagwagi ay si David laban kay Goliath. Bakit? Eh, hindi ba’t kumpleto ng karanasan sa politika at suporta sa mga ‘tigasin’ sa loob ng Kamara si Rep. Alan Peter Cayetano upang mapanatili niya ang pinaka-mataas na puwesto  sa House of Representatives? Para siyang Goliath sa politika.

Sa kabilang dako naman, ang kalaban na si Marinduque Rep. Lord Velasco ay ‘di hamak na mas bagito sa politika bagaman ito na ang kanyang ikalawang termino bilang kongresista. Bago nagkaroon ng gusot na ito, iilan lamang sa publiko ang kilala si Lord Velasco. Bihira nating marinig na magbigay ng pahayag si Velasco sa media.

Hindi tulad ni Cayetano. Malayo na ang narating niya sa larangan ng politika. Nagsimula siya bilang isang national figure noong mahalal siya bilang kongresman ng Taguig noong 1998.

Naging senador, Sec. of Foreign Affairs at naging vice presidential candidate ni Pangulong Duterte noong 2016 presidential elections. Marami ring dinaanan na gusot si Cayetano. Nilabanan niya si dating Pangulong Arroyo at ang batikang abogado, senador at isang haligi ng ating kasaysayan noong panahon ni Marcos na si dating Sen. Juan Ponce Enrile.

Opo. Binangga ni Cayetano ang mga ito. Si Sen. Enrile pa man din ay law partner ng nasirang ama ni Cayetano. Ito ay si Compañero Rene Cayetano na naging senador din. Samantalang si Gloria Macapagal-Arroyo ay naging ninang ni Alan Cayetano sa kasal. Hindi ininda ni Cayetano ito.

Kaya naman marahil ay kampante siya na makukuha niya ang kanyang hangarin na manatili sa kanyang pwesto bilang speaker bagama’t taliwas ito sa usapang ‘term-sharing’ nila ni Velasco na ang nag-ayos ay walang iba kung hindi si Pangulong Duterte.

Kakaiba ang mga isyu na pinaputok ng kampo ni Cayetano laban kay Velasco. Inunahan ng kampo ni Cayetano na may masamang balak daw si Velasco na hindi daw tutupad sa usapan dahil may plano si Velasco na umano’y maagang pagpapatalsik kay Cayetano bilang Speaker.

Dagdag pa rito ay pinalalabas ng kampo ni Cayetano na hindi naman nagpaparamdam si Velasco sa Kamara sa mga mahahalaga at sensitibong isyu. Sa madaling salita ay talagang minasahe ang mensahe sa publiko na hindi karapat-dapat na maging speaker si Velasco.

Dahil dito ay muling kinausap sina Cayetano at Velasco ni Duterte upang maayos ang gusot na ito. Ayon sa mga balitang lumabas, nagka-roon ng kasunduan na sa ika-14 ng Oktubre bababa si Cayetano at papalitan ni Velasco. Oooops. Ayaw raw ng mayorya ng Kamara na mag-resign si Cayteno. Ayon naman kay Velasco, ‘nadenggoy raw silang dalawa ni Duterte’ ni Cayetano.

Dito na nag-iba ang ihip ng hangin. Tulad sa Bibliya, kumuha ng lakas si Velasco sa kanyang pananampalataya, hindi lamang sa ating Panginoon, kung hindi sa Ama ng Bayan at sa kanyang pamilya. Dumagdag pa rito  ang napakataas na survey ni Ama ng Bayan sa tiwala at kuntento ang sambayanan sa kanyang pamamalakad sa ating gobyerno.

Tulad nga ng sinasabi ng mga eksperto sa politika, ang paghalal ng speaker ay kung nakanino ang mas maraming bilang. Kahit na hitik ka sa karanasan at suporta mula sa mga ilang tigasin sa Kamara, kapag hindi mo nakuha ang bilang ng mayorya ay matatanggal ka sa iyong puwesto.

Ganito ang nangyari kay Cayetano. Marahil ay nakita niya na kulang ang bilang ng sumusuporta sa kanya kapag nagkaroon ng botohan sa plenaryo. Kaya naman minabuting maghayag ng ‘irrevocable resignation’ bilang speaker si Cayetano.

Si Velasco naman, tulad ni David, ay pumukol lamang nang minsanan sa pamamagitan ng isang pulong sa Celebrity Sports Plaza noong araw ng Lunes upang ipakita ang lakas niya. Ayun, tumama sa pagitan ng ulo ni Cayetano noong Martes. Tumba si Cayetano. Nagwagi si Velasco. Dito nagtapos ang kanilang teleserye.

Comments are closed.