(Panamang iniwan) ANG PULANG TOCINO NI NILO

ni SID SAMANIEGO

DEKADA otsenta nang unang nakilala ang tocino ni Nilo sa bayan ng Rosario, Cavite.

Mamula-mula ito at may banayad na tamis kapag kinain. Masarap na ulam sa agahan, maging sa tanghalian hanggang sa hapunan.

Ang katakam-takam na amoy at kulay nito ang siyang hihila upang ika’y magutom.

Sabayan pa ng sawsawang suka na manamis-namis na may ginayat na pinong bawang, sili at pipino.

Sa ulam na ito tiyak na ang kabusugan mo dahil hindi mo mapapalagpas na hindi kumain ng masarap na ulam na tocino.

Si Nilo Ducusin ang orihinal na maylikha ng “Tocino ni Nilo”. Tubong La Union City ay namayapa noong taong 2009 dahil sa sakit sa baga. Namasukan si Nilo bilang trabahador sa isang babuyan sa palengke ng pamilya Ricasa. Matagal itong nagsilbi bilang magbababoy  hanggang namatay ang kanyang amo. Iniwanan ito ng konting halaga para sa kanyang panimulang negosyo. Iniwan din kay Nilo ang tamang paggawa ng tocino.

Mahabang kuwento subalit dito na nag-umpisang makilala ang “Tocino ni Nilo” sa bayan ng Rosario. Bagaman tinuruan si Nilo ng kanyang amo sa paggawa ng tocino ay gumawa naman siya ng sarili niyang bersyon at timpla nito. Pinag-aralang mabuti ang panlasang hinahanap-hanap ng tao.

 Bago isinalang sa merkado ang sariling gawang tocino ay tiniyak niyang husto na garantisado at sabroso ang lasa nito.

Hindi nabigo si Nilo. Mula noon hanggang ngayon, iisang klaseng tocino ang hinahanap ng tao, ang tocino ni Nilo.

Taong 1980 ng matikman ng taong bayan ang kakaibang sarap na tocino na gawa ni Nilo. Ang maliit na tindahan ni Nilo ay nasa gilid na noo’y nakatayong ospital ng Divine Grace Hospital na ngayon ay kinatatayuan ng Garcia Pawnshop. Nagsilbi din siyang utusan ng nasabing ospital.

Sa pagpanaw ni Nilo ay ipinamana niya ito sa dalawa niyang pamangkin na sina Rodel at Noel Hugo.

Patuloy itong tinatangkilik ng mga mamamayan dahil sa kakaiba nitong timpla. Kwatro syentos ang halaga nito bawat kilo. Nakakaubos ang magkapatid na Hugo ng 50 kilo bawat araw. Laging ubos ang kanilang panindang tocino.

Ang pinagsama-samang tamang timpla at rekado ng asin, asukal na pula, at salitre  sabayan pa ng pagmamahal at dedikasyon sa negosyo ang siyang nagbibigay lasa sa masarap na tocino ni Nilo.

Ang kulay pula sa tocino nito ay simbolo diumano ng katapangan ng mga Caviteño noong panahon ng himagsikan.

At minsan na rin daw itong naihain sa hapag-kainan ng gawin ang isang pagpupulong ng rebulsyunaryong Pilipino na ginanap sa Casa Hacienda sa Tejeros Convention, Rosario Cavite.

Malalim na ang naging timpla at lasa ng tocino ni Nilo at mas yayabong pa at makikilala hindi lamang sa bayan ng Rosario bagkus maging sa buong mundo.

Magpapahuli ka pa ba? Ano pang hinihintay mo, halina’t tikman ang masarap na tocino ni Nilo.