(NDRRMC-OCD naka-red alert pa rin) PANANALASA NI KRISTINE: 150 NA ANG PATAY, 29 PA ANG NAWAWALA

UMAKYAT na sa 150 ang bilang ng mga napaulat na nasawi dahil sa pananalasa ng Bagyong Kristine sa bansa habang may 29 siyam na katao pa ang reported missing.

Sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), 14 pa lamang sa napaulat na casualties ang kanilang na validate habang nasa  115 naman ang bilang ng mga sugatan.

Samantala, higit 1.8 milyon pamilya o katumbas ng mahigit 7.4 milyon indibidwal ang apektado ng bagyo mula sa 10,921 na mga barangay sa Region 1 (Ilocos Region) Region 2 (Cagayan Valley), Region 3 (Central Luzon) CALABARZON, MIMAROPA, Region 5 (Bicol) Region 6 (Western Visayas) Region 7 (Central Visayas) Region 8 (Eastern Visayas) Region 9 (Zamboanga Peninsula) Region 10 (Northern Mindanao) Region 11 (Davao Region) Region 12 (SOCCSKSARGEN) CARAGA, BARMM, CAR at NCR.

Sa nasabing bilang mahigit 330,000 indibidwal pa rin ang pansamantalang nanunuluyan sa 2,081 evacuation centers sa bansa.

Sa ngayon, tumaas pa sa 211 na siyudad at munisipalidad ang nasa ilalim ng State of Calamity.

Kaugnay nito, nasa P900 milyon na ang ha­laga ng tulong na ipinagkakaloob ng pamahalaan sa mga apektadong residente na kinabibilangan ng family food packs, damit, gamot at maraming iba pa.

Samantala, nanati­ling naka-red alert pa rin ng NDRRMC at kanilang mga operating arms sa pangunguna ng Office of Civil Defense at maging ang Armed Forces of the Philippines na inatasang  paiigtingin pa ang kanilang pagsasagawa ng search, rescue, at relief efforts sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Kristine at naapektuhan ng bagyong Super Typhoon Leon.

Ginawa ng AFP ang naturang pahayag kasunod ng banta ng Super Typhoon Leon sa ilang lugar sa hilagang bahagi ng Luzon partikular na sa lalawigan ng Batanes.

Sa isang pahayag, sinabi ni AFP Spokesperson, Col. Francel Margareth Padilla, bitbit ang umabot sa 4,000 mga ka­gamitan ay patuloy pa ring naka-deploy ang kanilang 2,690 Search, Rescue and Retrieval Team.

Nanindigan ang AFP na hindi sila titigil sa pagharap sa anumang kala­midad para iligtas ang mga nangangailangan na Pilipino kahit ngayong ginugunita ang All Saint at all Souls Day sa buong bansa.

VERLIN RUIZ