CAGAYAN-INATASAN na ni Police B/Gen. Crizaldo Nieves, Regional Director ng PRO-2 na bumuo ng Special Investigation Task Force (SITG) ang Police Regional Office na mag-iimbestiga sa brutal na pagpaslang sa dalawang dating punong bayan, incumbent SB member ng Lazam, isang secretary at driver ng mga biktima nitong Lunes ng tanghali.
Nakilala ang mga biktima na sina Sangguniang Bayan Members Marjorie Salazar at Eduardo Asuten na kapwa naging alkalde sa bayan ng Lasam.
Kabilang din sa mga nasawi ang driver ni Salazar na si John Rey Apil, 24-anyos, may-asawa at ang sekretarya nito na si Aiza Manuel, 30-anyos, may-asawa na pawang residente ng Brgy. Callao Sur.
Sa inisyal na imbestigasyon ng PNP Lasam, pauwi na galing sa sesyon ang mga biktima lulan ng puting Toyota Hi-Ace Van nang harangin sa Brgy Ignacio Jurado ng nasabing bayan ng kulay asul na Hyundai Accent at puting Toyota Wigo na kapwa walang plaka kung saan pinaulanan ng bala ng mga sakay nito ang sasakyan ng mga biktima.
Maraming anggulo ang tinitignan ng mga awtoridad sa nangyaring pagpaslang sa mga biktima, kabilang dito ang pagkakasangkot ni Salazar sa pagpatay kay Benjamin Agatep na Municipal Administrator ng Lasam noong nakalipas taon, Gayundin, ang kaugnayan sa pulitika at pagkakasangkot sa pangalan ni Salazar sa narcolist ni Pangulong Rodrigo Duterte, robbery dahil nawawala ang bag ni Salazar na may lamang pera dahil kaka-withdraw lamang umano nito at maaring kagagawan din ng New People’s Army (NPA) dahil sa mga nakitang papel sa lugar na may sulat na “sumampa ti NPA”.
Sa isinagawa pang imbestigasyon ng PNP Cagayan, maaring higit pa sa anim na salarin ang gumawa sa pananambang batay na rin sa nakitang basyo ng bala ng M16.
Patuloy ang ginagawang manhunt operation ng pulisya kung saan nakalatag na ang mga checkpoint sa mga kalapit na bayan para sa agarang pagkakahuli ng mga salarin upang mapag-alaman kung sino ang siyang nasa likod ng pananambang sa mga biktima. IRENE GONZALES
Comments are closed.