PANANAMPALATAYA AT KABABAANG LOOB

NAKAISANG linggo na ang pumasok na bagong taon, na puno ng pangamba dahil sa nagpapatuloy na pandemya ng coronavirus disease na dalawang taon nang nilalabanan ng buong mundo.

Maraming leksiyon na inihatid ang pandemya sa sangkatauhan, ang iba ay positibo, ang iba ay negatibo.

Nagdulot ito ng pighati, lalo sa mga nawalan ng mga mahal sa buhay, nawalan ng kita o kabuhayan, subalit dahil nilalang tayo ng Dakilang Diyos, Siya pa rin ang nagbibigay sa atin ng lakas para bumangon sa pagkakalugmok sa sitwasyon.

Tunay na mahalaga ang pagkilos ng bawat isa ngunit kung walang paggabay ng Banal na Espiritu ay maaring manghina, maligaw hanggang sa mapariwara.

Dumami ang bilang ng nakaramdam ng pagkainip o boredom sa panahon ng lockdown, ang iba nama’y nilalabanan ito sa pamamagitan ng mga bagong libangan tulad ng paghahalaman, pagpipinta, paglikha ng mga tula o awitin, tiktok videos o vlog.

Marami ang naging instant negosyante o nag-oonline selling ng kani-kanilang item na puwedeng ibenta.

Sa paggabay pa rin ng Panginoon ang lahat ng ito dahil mas pinili mong lumago, maging produktibo, maging mas maalalahanin sa mga minamahal sa paligid at sensitibo sa damdamin ng iba, maging malusog. Marami rin ang natutong mahalin ang Inang Kalikasan dahil nabuksan na ang kanilang isipan sa pandemya.

Ang lahat nang ito ay nais at ikinalulugod ng Panginoon.

Katulad ng nakalipas na dalawang taon, patuloy tayong nabubuhay, nagsisikap, gumagawa ng paraan upang magpatuloy, bumabangon sa isipin at inspirasyon na ang buhay ay napakahalagang regalo ng Diyos.

Salubungin natin, yakapin at gugulin ang bagong taon na may kababaang loob, pag-asa, pananampalataya at pag-ibig.

(Hebreo 11:1) Ang pananampalataya ay katiyakan na mangyayari ang ating mga inaasahan, at paninindigan tungkol sa mga bagay na hindi nakikita.