SANG-AYON ang Philippine National Police (PNP) sa rekomendasyon ng Department of Health (DOH) na huwag munang ibaba ang Alert Level Status ng bansa dahil sa banta ng Omicron variant.
Ang Alert Level 2 ay pangalawa sa pinakamababa sa limang alert level system ng COVID -19 protocols.
Ayon kay PNP Chief, General Dionardo Carlos, hindi pa napapanahon para mas tuluyang ibaba sa alert level 1 ang bansa lalot ngayon ay holiday season kung saan aasahan na maraming mga Pilipino ang lalabas ng bahay at posibleng mabalewala ang health protocols.
Malaki aniya ang maitutulong sa pagpapatupad ng mga pagpapatupad ng minimum health standard kung mananatili ang alert level status ng bansa.
Magkagayunpaman, susunod pa rin aniya ang PNP sa kung ano ang magiging desisyon ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases kaugnay sa rekomendasyon ng DOH.
Sinabi pa ni PNP Chief ang mga local government units ang may awtoridad sa mga alert level status na ipinatutupad at ang trabaho ng PNP ay mag-enforce ng batas. REA SARMIENTO