HINILING ng commuter advocate group na Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) sa mga nagpapatupad ng RFID na panatilihin na lamang ang cash lanes sa tollways kasabay ng RFID lanes.
Ayon kay LCSP Founder Atty. Ariel Inton, hindi na muna dapat isulong ang total cashless fares sa public transport at kinakailangang may opsiyon ang bawat motorista.
Dahil aniya panahon ng pandemya ay marami ang nagsusulong ng cashless transaction para maiwasan ang skin contact at pigilan ang hawahan ng COVID-19.
Kumbinsido si Inton na wasto ang naturang hakbang subalit nilinaw ng World Health Organization (WHO) na wala silang opisyal na pahayag na nakukuha ang virus sa palitan ng pera.
“Pero sabi nga mas okey na doble ingat pa rin tayo,” wika ni Inton.
Samantala, kinuwestiyon din ni Inton ang ilang magkakasalungat na polisiya ng Department of Transportation (DoTR) kaugnay ng one meter social distance sa pagsuot ng facemask o minimum health standard samantalang kamakailan lamang ay pinaikli ng DOTr ang distansya sa pagitan ng mga pasahero sa public transport.
Aniya, may iba pang pag-relax ng health protocols na ginawa ang DoTR.
“Ang tanong – kung nire-relax ang ilang health protocols, bakit pagdating sa cashless transactions ay lalong hinihigpitan lalo na sa tollways. Mukhang iba ang polisya? Ang posisyon din ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) ay walang legal na batayan ang mga toll operators na hindi tumanggap ng cash dahil ang piso ay legal tender sa bansa.
“Ang salapi o barya na ini-issue ng Bangko Sentral ng Pilipinas ay ang opisyal na currency sa bansa, bakit hindi tatanggapin sa tollways? Maaring sabihin nila na may karapatan ang toll operators na pumili ng paraan ng pagbayad dahil ang nire-represent naman ng cashless transaction ay piso. Kayat hindi ang piso ang tinatanggihan kundi ‘yung mode of payment lang. Pero kailangan pa ba natin pumunta sa husgado para i-settle ‘yang legal question na yan? pagkukwestiyon pa ni Inton.
“Hindi naman nila one hundred percent inalis ang cash transaction, bakit kaya? dahil paano kung nag-offline, na hack ang system at iba pang aberya, paano? Dapat flexible sa technology systems – gan’un din sa public transport,” dagdag nito.
“Okay na isulong ang cashless, pero ‘wag naman totally alisin ang option ng mga pasahero na magbayad ng cash. Hayaan na ang taong pumili ng gagamiting paraan ng pagbabayad ng toll fee nang sa gan’un ay binibigyan natin ng sapat na panahon ang mga motorista at pasahero na mag-adapt sa bagong sistema lalo pa nga at ang dami pang problema dito at para may flexibility naman kung may aberya,” pagtatapos ni Inton. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.