NAKIUSAP ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa publiko na ngayong pormal nang pinasimulan ang SEA Games na nilahukan ng 11 bansa kabilang ang Filipinas, ay sumunod sa mga inilatag na seguridad at pairalin ang pagiging disiplinado.
Ang pakiusap ng DILG ay alinsunod sa Disiplina Muna Program na pagbuhay ng kultura ng disiplina sa mga Pinoy para sa pambansang kaunlaran.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, kailangang panatilihin ng publiko ang pagiging malinis sa lahat ng venue ng SEA Games lalo pa’t ipinag-utos ni Pangulong Duterte na libre na ang entrance sa karamihan ng mga palaro.
Nais ipakita ng DILG sa mga kapitbahay sa ASEAN region at maging sa ibang mga dayuhan na hindi lang magaling sa sports ang mga Pinoy kundi isang disiplinadong mamamayan din.
Ipinatutupad na ng PNP ang Clear Bag Policy o ang paggamit ng mga bag na transparent na kita ang laman nito at mahigpit na ipinagbabawal ang pagdadala ng back pack.
Nagpaalala rin si Año na iwasan na ang pagdadala ng mga ipinagbabawal na kagamitan sa sports venues upang maiwasan ang pagkaabala.
Comments are closed.