MAULAN na ang paligid. At isa sa problema ng marami ay kung paano pananatilihing malinis ang ta-hanan. Kapag basa ang paligid, madali ring madumihan ang loob ng ating tahanan lalo na kung labas-masok ang mga nakatira rito. Kapag galing sa labas nga naman, hindi maiwasang mabasa at marumihan ang sapatos. Ang basa at maruming sapatos naman ang nagiging sanhi ng pagdumi ng sahig. At kapag kumapit ang putik sa sahig, mahirap na itong tanggalin. Hindi pa naman maganda at nakaiirita ang maruming sahig. Maaari rin itong maging dahilan ng pagkakadulas ng kapamilya lalo na kung hindi nalilinis kaagad.
Kunsabagay, sabihin man nating ayaw nating marumihan ang ating tahanan ngayong tag-ulan, kayhirap naman nitong iwasan lalo pa at lumalabas ng tahanan ang buong pamilya. Marami tayong kailangang asikasuhin kaya’t hindi naman puwedeng dahil maulan, mananatili na lang tayo sa ating mga tahanan.
At dapat na hindi nagiging sagabal ang tag-ulan upang magampanan ang mga nakaaatang sa ating gawain—sa opisina man, bahay o tahanan—narito ang ilang tips na kailangang isaalang-alang nang mapanatiling malinis at presentable ang tahanan kahit pa pabugso-bugso ang pag-ulan:
MAGLAGAY NG BASAHAN
Napakaimportante ng paglalagay ng basahan sa bawat tahanan upang mapanatiling tuyo ang ating sahig at hindi madikitan ng dumi mula sa labas. Sa may pintuan pa lang, maglagay na ng magandang basahan na makapagpapatuyo at makapagtatanggal ng kumapit na dumi sa sapatos at tsinelas. Huwag ding ipapasok sa loob ng bahay ang marumi at basang sapatos nang hindi rin marumihan ang sahig.
Hangga’t maaari ay iwanan ito sa labas at linisin muna bago ipasok sa loob ng bahay. Mainam din kung gagamit ng tsinelas na panloob lang nang mapanatiling malinis ang bahay.
GUMAMIT NG CLEANING AGENTS SA PAGLILINIS NG SAHIG
Hindi sapat ang mop at tubig sa paglilinis ng sahig sapagkat maaaring may maiwan o hindi matanggal na dumi. Kaya naman, gumamit ng cleaning agents. Mainam din ang paggamit ng cleaning agents para maiwasan ang paglapit ng iba’t ibang insekto. Usong-uso pa naman ang insekto kapag tag-ulan.
Siguraduhin ding natutuyo ang sahig matapos itong linisin o i-mop nang walang madulas o madisgrasya.
Kung namantsahan naman ang sahig ng grasa o mantika, maaari itong linisin at tanggalin gamit ang dish soap, suka, washing soda at tubig.
GUMAMIT NG MICROFIBER CLOTH SA PAGLILINIS NG KASANGKAPAN
Mabisa ring panlinis ng mga kasangkapan, salamin at bintana ngayong tag-ulan ang microfiber cloth. Malambot ang microfiber cloth kaya naman hindi ka mangangambang magasgasan ang mga kasangka-pang iyong lilinisan.
Maaari ring gumamit ng cornstarch, suka at tubig sa paglilinis ng salamin. Pagsamahin lang ang mga nasabing sangkap sa isang spray bottle at iwisik sa salamin o glass pagkatapos ay punasan ito ng diyaryo. Tiyak na sa mixture na ito ay mawawala ang pinoproblema mong dumi.
GUMAMIT NG BAKING SODA AT SUKA SA KAWALI
Kung nasunugan ka naman ng niluluto, wala ka namang kailangang problemahin sapagkat may napakadaling paraan upang mawala ang mga burnt stain sa kawali at kaldero.
Gumamit lang din ng baking baking soda at suka. Gamit ang lilinising kawali, pakuluan ang tubig at suka. Tanggalin sa kalan at saka ilagay ang baking soda. Kuskusin ito para mas matanggal ang mga nakaiinis na mantsa.
UGALIIN ANG PAGPAPALIT NG KOBRE KAMA
Ang lamig na dala ng panahon ay maaari ring makapagdulot ng pagkabasa ng inyong mga kama, lalong-lalo na ang punda ng unan, kumot at maging ang kobre kama. Para masigurong malinis ang inyong hinihigaan, ugaliin ang pagpapalit ng kobre kama, punda at kumot every other week. Huwag nang hintayin pang madumihan bago ito palitan.
Maganda rin kung magse-set ka ng date kung kailan ka dapat magpalit ng kobre kama nang hindi mo makaligtaan. Kung malinis at maayos ang kama, kaysarap nga namang magpahinga.
PANATILIHING MALINIS ANG SINK
Isa rin sa dapat nating panatilihin nang hindi tayo magkaroon ng insekto gaya ng ipis ay ang mga sink sa ating tahanan. Siguraduhing malinis ito palagi nang walang mamahay na mga insekto at para rin hindi magkaroon ng amoy. Kapag nagbara naman ang sink o drain, ayusin kaagad ito nang hindi na lumaki pa ang problema.
Napakaraming simpleng paraan na maaari nating gawin upang mapanatiling malinis ang tahanan ngayong walang sawa sa pagpatak ang ulan. Tag-ulan na nga naman. Imbes na mainis ay mas makabubuting gumawa tayo ng paraan upang maging malinis at maaliwalas ang kumukupkop at nag-iingat sa atin sa kahit na anong panahon—ang ating tahanan.
Kaya naman, huwag tamarin at ugaliin ang paglilinis ng bahay. Kung abala naman, mag-set ng date sa paglilinis. Hindi mo kakailanganin ng buong linggo para lang malinis ang inyong tahanan, isang araw lang ay mapagaganda at maaayos mo na ito. Ngayon pa lang, simulan na ang pag-aayos at paglilinis. At para rin hindi mahirapan sa paglilinis, iwasan ang pagkakalat at pagdudumi. (photos mula sa google) CT SARIGUMBA
Comments are closed.