IMBES na unahin ang pagpapataw ng buwis sa mga online seller, bakit hindi na lang mas palawigin pa ang online selling? Sa ganitong paraan, mas kumbinyente para sa publiko ang pamimili ng kani-kanilang mga kailangan na hindi na kailangang magtungo pa sa mga pamilihan na maaaring maging banta pa sa kanilang kalusugan.
Matatandaan kasi natin na nitong nakaraang linggo, lumutang ang plano ng BIR na buwisan ang online sellers. Ang sabi nga natin, bakit ngayon pa ito naisipan ng gobyerno kung kailang nasa panahon tayo ng pandemya? May pandemic tayo at hindi nakatutulong ang ganito sa maliliit na negosyo. Marami sa mga kababayan natin ang nawalan ng trabaho at para kumita kahit sa maliit na paraan, sumubok sila sa online selling. Huwag na nating dagdagan ang mga pasanin nila sa buhay ngayong mga panahong ito sa pamamagitan ng pagbubuwis sa kanilang maliit na kabuhayan.
At kaugnay nga po niyan, tayo ay may panawagan sa Department of Trade and Industry o DTI na mas palakasin ang kanilang suporta sa MSMEs o itong micro, small and medium enterprises. Suporta para makilala sa merkado ang kanilang mga negosyo na lubhang naapektuhan ng pandemya. Ito ay ang tulungan silang mapabilang sa online selling.
Alam naman ng lahat, tatlong buwan tayong sumailalim sa community quarantine, kaya itong MSMEs natin, lalo na ‘yung mga nasa indigenous community, talagang nagkalugi-lugi dahil wala na halos namimili.
Ihalimbawa na lang natin sa kanila ang mga community weaver o mga maghahabi sa Batangas. Paano nila maibebenta ang mga produkto nila ngayong wala pang panuntunan ang gobyerno na nagpapahintulot sa mga pagbiyahe? ‘Yung mga katulad nila ang ilan sa mga dapat tutukan ng DTI para naman magtuloy-tuloy ang takbo ng kanilang hanapbuhay. At dito, malaking tulong sa kanila kung masusuportahan silang mapabilang sa online selling. Napakasakit kasi na ang isang kulturang tulad ng paghahabi, tatalikuran na lang dahil sa pandemyang ito. Ang sabi raw kasi ng ating Batangas weavers, dahil hindi na bumebenta ang mga produkto nila, magtitinda na lang sila ng gulay at isda. Nakalulungkot namang isipin ‘yan. Naniniwala po tayo na kung patuloy na makikita ng mga kababayan natin ang mga produktong ‘yan, muli itong aalagwa.
Napakarami pong sektor pangkabuhayan ang naapektuhan kaya pakiusap din natin sa DTI, maging itong ating mga magsasaka at mangingisda, matulungan din. Kung ito ngang mga negosyo sa siyudad, apektado, paano pa ang mga kabuhayan sa malalayong probinsya? Sana, maging ang mga kababayan nating may maliit na pangkabuhayan sa far flung areas, masuportahan din ng gobyerno sa pamamagitan ng online selling o kung ‘di man ay sa iba pang mga posibleng paraan.
Masigasig po ang pagsusulong natin sa kapakanan ng ating MSMEs dahil may kinalaman din ito sa adbokasiya nating mapalakas ang mga ating mga produktong lokal.
Kaya nga hinihikayat din natin ang DTI na patuloy na makipag-ugnayan sa e-commerce platforms tulad ng Lazada at shopinas upang manatiling available online ang ang mga produkto ng “Go Lokal”.
Hinihikayat din natin ang ating mga kababayang suki ng online sellers na suportahan din natin ang maliliit na negosyong pag-aari ng mga kapwa nating Pinoy. Bumili po tayo ng kanilng mga produkto dahil sa ganitong paraan po, makatutulong tayo ng malaki sa kanila lalo na ngayong panahon ng pandemya. Hindi lang po kasi natin mapapalakas ang negosyo nila sa ganitong paraan, nakatutulong din tayong makalikha ng trabaho para sa mga nangangailangan. Bukod pa riyan, nagkakatulungan tayong ibangon ang ating ekonomiya na dumaranas ng matinding hagupit ngayon dulot ng COVID-19 pandemic.
Comments are closed.