UMAPELA ang isang consumer group na bigyang prayoridad ang pagsugpo sa smuggling ng pagkain sa halip na gamitin ang isyu sa nagtataasang presyo upang maisingit ang tabako sa saklaw ng RA 10845 o ang Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016.
Ayon kay Atty. Simoun Salinas, spokesperson ng Malayang Konsyumer, dahil sa tumaas na presyo ng sibuyas at iba pang produkto, tama ang administrasyong Marcos sa pagsugpo sa agri smuggling, ngunit ilan, aniya, sa mga mambabatas ay nais sumawsaw sa isyung ito at maisama ang tabako at sigarilyo.
“Food security ang isyu. Pagkain para sa Pilipino ang prayoridad. Ito ang dapat na tutukan natin. Hindi yosi.”
Tinukoy ng grupo ang Senate Bill 1812 ni Senador Lito Lapid na layong amyendahan ang RA 10845 at isama ang mga produktong tabako tulad ng sigarilyo sa parehong kategorya ng bigas, asukal, gulay, karne at iba pang mahahalagang produktong pagkain na dapat mahigpit na bantayan ang pagpupuslit sa bansa.
Ang malakihang smuggling ng mga produktong nabanggit ay kabilang sa klasipikasyon ng “economic sabotage” sa ilalim ng RA 10845.
“Bakit espesyal ang pagtrato sa mga produktong tabako, at bakit naman ngayon pa naisipan? Bakit sinasakyan ang isyu ng smuggling ng agri products para maisingit ang tobacco?” tanong ni Salinas.
“Poprotektahan mo ang industriyang tabako at sigarilyo? E bisyo ‘yan, masama sa kalusugan ‘yan, lalo na sa kabataan.”
Ang RA 10845 ay sentro ngayon ng usapin dahil sa kakulangan ng suplay ng sibuyas at mahalagang produktong pagkain, gayundin sa pagmahal ng karne, manok, at isda.
Ang mga produktong pang-agrikultura na nakalista sa Anti-Smuggling law na kailangan ng proteksiyon ay asukal, mais, baboy, manok, bawang, sibuyas, carrots, isda, at mga gulay.
Ang parusa sa economic sabotage at malakihang smuggling ng produktong pansakahan sa ilalim ng RA 10845 ay 20 taong pagkabilanggo at multa na dalawang beses sa fair value ng ipinuslit na produkto.
Iginiit naman ni Malayang Konsyumer convenor Christian Real na “hindi kailangang amyendahan ang batas para bigyan ng special treatment ang tabako para itapat sa mga produktong pagkain na araw-araw nating kinokonsumo.”
“Ang kailangan natin ay mas mahusay na pagpapatupad, mas tutok at tuloy-tuloy na kampanya laban sa smuggling – mula sa Bureau of Customs at DA (Department of Agriculture) para labanan ang iligal na pagpupuslit ng produktong agrikultura at tiyakin ang suplay para sa mas matatag na presyuhan,” ayon kay Real. ROMER BUTUYAN