(Panawagan ng DOH) PINOY MAGING ORGAN DONOR

HINIKAYAT ng Department of Health (DOH) ang mga Pilipino na maging isang organ donor.

Ayon sa DOH, umaasa sila na makakakuha ng mas maraming organ donation para matugunan ang dumaraming pasyente na nangangailangan ng life-saving transplants.

Sinabi ng DOH na halos 300 pasyente ngayong buwan ng Pebrero ang naghihintay para sa transplant, kung saan karamihan ay nangangailangan ng bagong kidney.

Ayon pa sa ahensiya, ang chronic kidney disease (CKD) ay isa pa rin sa mga pangunahing sakit na nakamamatay sa Pilipinas.

Ayon kay National Kidney and Transplant Coordinator Chief Dr. Peter Paul Plegaria, sa kasalukuyang datos, humigit-kumulang sa 2.3 milyong Pilipino ang may CKD.

Sinabi ng DOH na nagkakahalaga ang isang organ transplant ng P1.2 hanggang P1.7 milyon ngunit makatutulong ang gobyerno na mapababa ang singil.

Ayon kay DOH Public Health Unit Head Dr. Maria Angeles Marbella, mayroon PhilHealth C package kung saan ang pasyente ay makakatanggap ng P600,000.

Dagdag pa ng DOH, namamahagi rin ang ahensiya ng cards upang mapalawak ang kaalaman ng publiko tungkol sa kidney transplants at kung paano maging donor ang mga interesado. EVELYN GARCIA