PANAWAGAN NG DTI: SARI-SARI STORES MAKIISA SA PAGSUNOD SA SRP

SARI-SARI STORE

NAGLUNSAD ang Department of Trade and Industry (DTI) ng Su­king Tindahan Program na naglalayong ipakilala sa mga sari-sari store ang Suggested Retail Price (SRP) system.

Nitong Miyerkoles lang, ang DTI Consumer Protection Group (CPG) ay naglagay ng selyo o Suking Tindahan badge sa  sari–sari stores at maliliit na grocery stores sa Quezon City, Manila, Marikina, Navotas, at Taguig.

Matatandaang noong nakaraang Pebrero, ti­ningnan ni Trade Secretary Ramon Lopez ang programang ito na magpapakilala sa sari-sari stores sa mga komunidad ng SRP nang sa gayon ay mas mura ang nabibili ng mga konsyumer.

“The DTI Suking Tindahan program was conceived by Secretary Ramon Lopez to heed the call of consumers for reasonably-priced basic and prime goods to be made available at their neighborhood sari-sari stores,” sabi ni DTI-CPG Undersecretary Ruth Castelo.

“With this launch, the DTI is gearing up for its nationwide rollout. Thus, we are calling on all sari-sari stores to volunteer for the program,” dagdag pa ni Castelo.

Magkakaroon ng Suking Tindahan accreditation ang DTI sa mga tindahang rehistrado at tumatakbo na ng mababa sa isang taon. Kailangan ding ang tindahan ay may P100,000 na kapital.

Sinabi pa ni Lopez, na pag-uusapan pa sa kanilang departamento ang posibilidad na magkaroon ng direct suppliers ang mga small retailer na makikiisa sa programa.

At habang hinihika­yat ang mga sari-sari store sa SRP system, ipinaliwanag ni Lopez na ang programa ay hindi naman sapilitan. Sa kasalukuyan, tanging mga supermarkets lang ang obligadong sumunod sa mga SRP. LYKA NAVARROSA

Comments are closed.