NANAWAGAN ang Kamara kay Pangulong Rodrigo Duterte na manghimasok na sa krisis sa langis sa bansa.
Sa House Resolution 2529 na inihain ni Quezon City Rep. Precious Hipolito-Castelo, umaapela ang Kamara na pumagitna na sa usapin ng napakataas na presyo ng langis ang Pangulo.
Nakasaad din sa resolusyon ang apela sa Presidente na suportahan ang mga panawagan na pansamantalang pagsuspinde sa excise tax ng mga produktong petrolyo.
Katuwiran pa sa resolusyon, ang suspensiyon ng excise tax ay magbibigay ng kaginhawaan sa publiko at mga sektor; at magkakaroon din ‘domino effect’ para maibaba ang halaga ng mga bilihin at serbisyo.
Matatandaang kinontra ng mga economic manager ang panukalang suspensiyon sa fuel excise tax at nagpasiya ang pamahalaan na tulungan na lamang ang mga mahihirap na Pilipino sa pamamagitan ng ayuda, at fuel subsidy para sa mga sektor na apektado.
Patuloy pa rin ang panawagan ng mga kongresista kay Pangulong Duterte na magpatawag ng special session para matalakay at mapagtibay ang panukala para sa excise tax suspension, pero hanggang ngayon ay wala pang anunsiyo o desisyon hinggil dito. CONDE BATAC