NAGKAISA sila, Suki… silang labing-isang malalaking ospital at medical centers sa NCR.
Sa panawagang pagsama-samahin ang lahat ng mga positibo sa COVID-19 sa isa o dalawang ospital, kasama ang PUIs.
Upang matutukan ng pagkalinga ang mga pasyente habang ginagamot o inoobserbahan.
Malinaw kasi, Suki, ang kanilang takot sa sistemang pinaiiral ng gobyerno sa pangunguna ng Kagawaran ng Kalusugan.
Na parang namamana sa dilim.
At ‘pag mayroong napuntiryang positibong biktima ng ‘kagaw’ na may korona ay ipapasok nila sa kung saang ospital na makursunadahan.
Na minsan din ay mismong ang pasyente na ang namimili kung saan siya magpapagamot.
Kasi naman, Suki, utos ng hari na walang ospital ang tatanggi sa dumudulog na pasyente.
oOo
Sa ngayon, Suki, ay nagkalat ang mahigit 200 biktima ng coronavirus sa iba’t ibang ospital sa Kalakhang Maynila.
At ang libo-libong PUI at PUM, Suki, ay tanging ang Diyos lang ang nakaaalam kung nasaan sila sa mga sulok ng republika.
Opkors, may talaan ang DOH.
Pero natitiyak kong hindi ito kumpleto, kasi ang health authorities na mismo at mga talentadong lider ng gobyerno lokal ang umamin na hindi madaling isagawa ang “contact tracing”.
O ‘yong paghahanap ng mga anino sa dilim.
“Sino ang kinamayan, kinausap, nakatabi o nakaniig ng kung sinong positibong indibidwal ng COVID-19 upang obserbahan o suriin kung nagkapalitan sila ng mga tilamsik ng laway”
Sobrang hirap maipatupad, Suki!
oOo
Ang “call to action”, o panawagan, ng nagkakaisang malalaking ospital ay isa o dalawang pagamutan lang ang magpo-pokus sa lahat ng positibo sa coronavirus, kasama na ang PUI at ‘yong mga minomonitor.
Upang ang mga pasyenteng hindi ugnay sa COVID-19 ay mapagtuunan din ng tamang kalinga at atensiyong medical.
Na hindi kakaba-kabang sa katabing kuwarto ay may banta ng infection.
Sa totoo lang ay higit na marami ang bilang ng pasyenteng hindi konektado sa coronavirus.
Kailangan din nilang mabuhay, Suki.
Comments are closed.