(Panawagan ng OCD) BANTA NG LINDOL, BAGYO PAGHANDAAN

ANG  Pilipinas ay isang disaster-prone country dahil sa lokasyon nito sa Pacific Ring of Fire at Typhoon Belt kaya, madalas na nakakaranas ang bansa ng sama ng panahon at mga bagyo.

Kasunod ng anunsyo ng PAGASA tungkol sa nalalapit na tag-ulan at banta ng La Niña, ang Office of Civil Defense (OCD) ay nananawagan sa sambayanan para sa mas pinalakas na kahandaan at kolektibong pagkilos.

Ayon kay Civil Defense Administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno, hindi na bago ang mga pag-uulan dahil madalas itong nararanasan ng bansa taon-taon kung kaya’t ang mga protocol, mekanismo at mga plano ay nakalatag na para rito.

Gayunpaman, ani Nepomuceno ay nakahanda ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa posibleng kaakibat na panganib dulot ng pag-ulan gaya ng malakas na hangin na maaaring makapinsala sa mga kabahayan, pananim at iba pa; mga pagbaha, at maging ang pagguho ng lupa o landslide.

Maigting ang panawagan ng OCD, paalala at koordinasyon ng tanggapan sa mga ahensya at lokal na pamahalaan, mga katuwang, at sa buong sambayanan na siguraduhin na ang karampatang paghahanda ay isinasagawa para sa kaligtasan ng lahat .

Ang pagtalima o pagsunod sa mga polisiya, babala, at panuntunan ay mahalaga, lalo na at nalalapit na ang pag iral ng La Nina sa bansa.
VERLIN RUIZ