NANAWAGAN ang Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), ang pinakamalaking business organization sa bansa, para sa libre at mas accessible na COVID-19 antigen test para sa publiko kasunod ng pagbaba ng alert level sa Metro Manila at iba pang lugar.
Sa isang statement, sinabi ni PCCI president George Barcelon na ang access sa libreng antigen testing ay makatutulong para maiwasan ang panibagong surge sa mga kaso dahil madaragdagan ang mobility sa ilalim ng Alert Level 2.
Ayon kay Barcelon, ang naturang test kits ay dapat na available sa local drugstores at barangay health units sa buong bansa.
“While our primary goal is to vaccinate (the) majority, if not all Filipinos, it is very important that rapid antigen test kits are made available and affordable up to the grassroots level to curb the spread of Covid-19,” sabi pa Barcelon.
Nanawagan din siya sa pamahalaan na bumili ng mas maraming antigen test kits dahil may shortage ng supply ng nasabing rapid test kits.
“Such assistance, especially to MSMEs (micro, small and medium enterprises), could bolster confidence in opening up the economy,” aniya.
Pinapurihan din ng PCCI executive ang gobyerno sa pagsasailalim sa Metro Manila sa Alert Level 2 at sa pagpapaigting sa vaccination program.
“PCCI sees these as the result of a better balance between meeting the exigencies of economic concerns and the health requirements of Covid-19 response.” PNA