(Panawagan ng Senado) LIFE SENTENCE SA KILLER NI SALILIG

KINONDENA ng Senado ang ginawang pagpatay sa 3rd year Chemical Engineering student ng Adamson University nang matagpuan ang bangkay nito na nasa state of decomposition na sa isang bakanteng lote sa loob ng isang Subdivision sa Imus, Cavite nitong Martes ng umaga.

Dahil dito, nanawagan si Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri sa law enforcement agencies na tugisin at arestuhin ang mga salarin sa pagpatay kay John Matthew Salilig.

Aniya, dapat patawan ng life sentence at mabulok sa kulungan ang sinumang responsable sa pagkamatay ng biktima.

“I urgently call on our law enforcement to immediately hunt down and arrest the suspects behind the death of John Matthew Salilig, and ensure that they are dealt with using the full force of our Anti-Hazing Law,” ani Zubiri.

“Hazing should not be tolerated by any society and we have the laws in place to make sure that it should never happen on hapless young men and women only longing for friendship and camaraderie. Those barbarian perpetrators should all rot in jail for the rest of their lives,” diin pa ni Zubiri.

Sinabi naman ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na dapat rebyuhin ang anti-hazing law.

“The strength of the organization and brotherhood can never be measured through hazing or other types of violence… In the midst of this new case of hazing, we need to be more pro-active and revisit the law to ensure that it is being implemented properly,” saad ni Villanueva.

Bagaman iginiit ni Senador JV Ejercito na may benepisyo ang mga fraternity, dapat aniyang i-blacklist ang mga nagsasagawa ng hazing.

“Those fraternities that will be involved in hazing, probably ‘yun ‘yung mga dapat i-blacklist na, talagang hindi na payagan. ‘Wag nang bigyan ng recognition in schools or in any other organizations,” pahayag ni Ejercito.

Kaisa rin si Senadora Nancy Binay sa nanawagan ng hustisya para kay Matthew at parusahan ang lahat ng nagparticipate sa nasabing hazing.

“Bilang isang magulang, ramdam ko ang kirot na pinagdadaanan ng pamilya Salilig. Lagi kong sinasabi na hazing has laid claim to many senseless deaths—not to mention the perpetual and unimaginable pain that families of victims go through,” diin ni Binay.
VICKY CERVALES

18 SUSPEK
TUKOY NA

Nabatid na noon pang Pebrero 18 umalis ng bahay ang biktimang si John Matthew Salilig, 24-anyos na nakatira sa San Miguel, Maynila at hindi na ito nakauwi pa kaya’t dumulog sa Manila Police District ang kapatid nito na si John Michael Salilig upang i-report na 2 araw ng nawawala ang bunsong kapatid na nagpaalam na dadalo sa welcome rites activity ng Tau Gamma Phi fraternity sa Laguna.

Base sa imporasyon ng pulisya, si Salilig ay biktima ng hazing dahil sa nakitang mga sugat sa binti nito nang matagpuan ang bangkay.

Sa kuha ng CCTV ay nakita pang sumakay si Salilig sa isang JAC Liner Bus sa Buendia, Pasay city na biyaheng Laguna kasama ang ilan pang miyembro ng samahan noong Pebrero 18.

Ayon kay SSgt Jessie Villanueva ng Imus City Police na nagkaroon sila ng lead nang may isang testigong tumawag sa himpilan kaugnay sa isang bangkay na inilibing sa bakanteng lote sa Jade Residences Subdivision, Brgy. Malagasang 1-G sa Imus City, Cavite na positibong kinilala ng kapatid nito.

Gayundin, sinabi ng kapatid ng biktima na nakatanggap siya ng anonymous message hinggil sa sinapit ni Matthew matapos ang welcoming rites kaya’t humingi na ito ng tulong sa MPD at agad na nakipag-ugnayan sa Binan City Police station.

Mabilis namang natukoy ng mga awtoridad ang 18 pangunahing suspek na umano’y halinhinang nagpahirap sa biktima at ngayo’y nahaharap sa kasong kriminal at paglabag sa Anti- Hazing Law.

Sa isa namang pahayag ng Adamson University, kinumpirma nila na ang pagpanaw ng isa nilang estudyante at nangako na magsasagawa sila ng sariling imbestigasyon at tiniyak na makikipagtulungan sa mga awtoridad kaugnay ng kaso.

Dinala na sa punerarya ang labi ni Matthew kung saan isinailalim na ito sa autopsy at DNA test bago iuwi sa Zamboanga.
ARMAN CAMBE