KASUNOD ng pagkawala ng koryente na nagdulot ng mga abala sa Ninoy Aquino International Airport sa Pasay City noong Araw ng Paggawa, nanawagan si Senador Christopher “Bong” Go sa mga awtoridad na magsikap na maiwasan ang mga ganitong insidente. Binigyang-diin niya ang pangangailangang pagbutihin ang mga serbisyo sa NAIA, bilang pangunahing gateway sa bansa.
Sa ambush interview matapos tulungan ang mga residente sa Buruanga, Aklan noong Martes, Mayo 2, sinabi ni Go na dapat seryosohin ng pamunuan ng NAIA, gayundin ng Civil Aviation Authority of the Philippines, ang kanilang mga responsibilidad at tiyaking gagawin nila ang lahat ng kanilang makakaya at maiwasan ang pagkawala ng koryente.
“Paigtingin n’yo po ang inyong pagtatrabaho, dahil tuwing mayroon pong aberya – kahit isang oras na nagkakaroon
ng power outage – domino effect ‘yan,” himok ni Go.
“Ang domino effect n’yan, talagang kawawa ang mga pasahero lalo na ang mga OFWs (overseas Filipino workers) natin. ‘Yung iba diyan, galing pa po ng probinsya, pupunta ng Maynila, mag-aantay ng dalawang oras. Eh, kapag na-delay, ang tanong diyan, babayaran ba ang rebooking nila dahil sa aberya?” idinagdag niya.
Ang outage, na tumagal ng walong oras, ay nangyari eksaktong apat na buwan pagkatapos ng isang katulad na insidente na naganap sa Bagong Taon na humantong sa pagsasara ng airspace ng bansa. Ayon sa mga ulat, hindi bababa sa 9,391 na mga pasahero ang naapektuhan dahil ilang mga flight ang nakansela o naantala dahil sa insidente.
Iginiit ni Go na ang gobyerno ay dapat gumawa ng solusyon upang matiyak na ang pamamahala sa paliparan ay maayos na nakahanda para sa mga ganitong sitwasyon: “Tayo pong nasa gobyerno, ayusin po natin ang ating trabaho. Nananawagan po ako, sana po maiwasan ‘yung ganitong aberya.”
Binigyang-diin din niya na, sa panahon ng administrasyong Duterte, mahigit 200 airport projects ang natapos, na binibigyang prayoridad ang mga paliparan sa Bicol, Cebu, at Aklan. Pinuri niya ang mga pagpapahusay na ginawa sa mga pasilidad na ito at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagpapaunlad ng impraestruktura upang makinabang ang mamamayang Pilipino.
Nanawagan si Go sa mga awtoridad na magkaroon ng mas maraming contingency plan, kabilang ang pagkakaroon ng backup power at mga pasilidad para ma-accommodate ang mga stranded na pasahero.
“Nakikiusap po ako sa ating otoridad, sa ating management ng NAIA, kapag may gan’ung aberya, dapat ready agad ang Plan B. Nandiyan ‘yung reserved power ninyo, at asikasuhin n’yo po ang mga pasahero.
“Pagkain, mayroon silang matitirahan muna, at komportable naman na hindi lang nakahiga sa gilid,” pagtatapos ni Go.