(Panawagan ng Simbahan sa publiko) MAGING MAHINAHON SA COVID-19

Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo

NANANAWAGAN si Bishop Broderick Pabillo, apostolic administrato ng Archdiocese of Manila, sa mga mananampalataya na ma­ging mahinahon, sa kabila ng banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Ayon kay Pabillo, hindi dapat na mag-panic o matakot ang publiko at sa halip ay patuloy na manalangin, kasabay ng pag-iingat upang hindi mahawaan ng COVID-19.

“Although nandiyan ‘yung threat pero sana ay iwasan din nating mag-pa­nic at matakot.  At the same time, may mga kailangan na safety precaution na kaila­ngang gawin. Pinakamahalaga ang ating mga panalangin,” ­paalala ni Pabillo.

Kaugnay nito, naglabas na rin naman si Pabillo ng pastoral letter bilang karagdagang pag-iingat ng mana­nampalataya na kumalat pa ang nakahahawang sakit.

Sa pastoral letter na inilabas ni Pabillo, na may titulong Pastoral Letter on ­COVID-19, hinikayat nito ang mga mananampalataya, lalo na ang mga nakararanas ng sintomas ng sakit, na huwag na munang lumabas sa kanilang bahay.

Pinayuhan niya ang mga ito na dumalo na lamang sa banal na misa sa pamamagitan ng panunuod at pakikinig sa Radio Veritas, TV Maria at Facebook page ng Quiapo Church.

Hinihikayat din  ng Obispo ang mga parokya na pansamantalang itigil ang mga aktibidad tulad ng pagsawsaw ng kamay sa mga Holy Water Front, paghahawak-kamay sa tuwing inaawit ang ‘Ama Namin,’ at maging ang paghalik at pagpahid sa mga imahen at pagmamano o paghawak sa mga pari.

Nakasaad din sa liham ang mga pag-iingat na dapat gawin ng mga parokya tulad ng paghahanda ng mga alcohol-based hand rub sa mga pintuan ng simbahan, paglilinis ng mga madalas sa bagay na madalas mahawakan tulad ng mga upuan, door knobs at mga mikropono.

Nanawagan din ang Obispo sa mga pari at layko na maghugas ng kamay bago ang misa lalo na ang mga magbibigay ng komunyon.

Hinimok pa niya na magkaroon ng Disaster Resi­liency Fund ang mga parokya para mapunan ang aktibidad ng mga simbahan lalo na ngayong panahon ng Kuwaresma.

“Since it was first discovered in December of last year, the coronavirus, now known as COVID 19, has rapidly spread all over the world. Doctors and scientists are still learning about its transmission and complications. We should not spread unnecessary panic and fear. Let our attitude be compassion and care for others.  Thus, we need to take precautionary measures in the spirit of charity for all. We also need to be prepared for any eventuality,” bahagi pa ng Pastoral Letter ni Pabillo, na inilabas para sa People of God, clergy, administrators ng mga church institutions, at church leaders sa Archdiocese of Manila.

Sa kabilang dako, kinumpirma din naman ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission on Health Care (CBCP-ECHP) executive secretary Father Dan Cancino sa church-run Radio Veritas na magpupulong ngayon ang komisyon upang maglabas pa ng mga dagdag na panuntunan para sa kaligtasan ng mamamayan. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.