SA GITNA ng patuloy na bangayan ng kampo nina Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., at Vice President Sara Duterte, umapela si Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa mga mamamayan na ipagdasal ang mga lider ng bansa.
“I humbly exhort you all to pray for them that they may receive the grace to exercise statesmanship in most trying times so that sobriety may prevail in our land, and that political issues and personal interests may not divide the nation,” pahayag pa ng Cardinal, sa panayam ng church-run Radio Veritas.
Para kay Cardinal Advincula, ang nangyayaring sigalot sa pulitika ng matataas na lider ng bansa ay magdudulot lamang ng pagkaubos ng enerhiya na dapat sana ay gamitin sa paglilingkod sa pangangailangan ng mga Pilipino.
Binigyang-diin niyang mahalagang may pagkakaisa ang mga lider lalo’t patuloy na bumabangon ang mga Pilipino sa epekto ng magkakasunod na bagyo.
Marami aniyang naghihirap dahil sa mga bagyo, subalit pinalalala pa ang sitwasyon ng mga bagyong pampulitika.
Hangad ng cardinal na maiwasan ang pagkakabaha-bahagi ng bansa mula sa magkakaibang paniniwalang pampulitika.
VERLIN RUIZ