HINIMOK kahapon ni House Appropriations Chair Rep. Karlo ‘Ang Probinsiyano’ Nograles ang National Food Authority (NFA) na ibaling ang atensiyon sa inaasahang pagtama ng bagyong Ompong at tiyakin ang pagposisyon sa suplay ng bigas sa mga lalawigan na direktang tatahakin ng bagyo na nasa loob na ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
“Batid ko na ang inanunsiyo ng Pangulo na pagbibitiw ni NFA Administrator Jason Aquino ay maaaring magdala ng kalituhan sa mga kawani at mawala sa giya ang ahensiya,” ani Nograles.
“Ngunit ang banta ng bagyong ito ay hinihingi ang lahat sa aming nasa gobyerno na tutukan ang pagtulong sa ating mga kababayang makabangon sa epekto ng bagyong ito,” giit ng mambabatas mula Davao.
Ayon sa PAGASA, ang bagyong Ompong ay tinatayang aabot sa 220 hanggang 270 kph ang lakas, isang sukat na maaaring umabot sa kategorya ng isang ‘super typhoon’.
Babala ng kagawaran, ang mga probinsiya sa Luzon ang makararanas ng pananalasa ng bagyo, at ang Kamaynilaan ay makararanas ng malalakas na pag-ulan.
Inatasan naman ng mambabatas mula Mindanao ang NFA na agarang ipuwesto ang kanilang hawak na imbentaryo ng bigas sa mga bodegang malapit sa mga bayang tinatayang sasalantain ng bagyo dahil mahihirapan ang gobyerno na abutin at tugunan ang pangangailangan ng mga residente sa pagkain sa sandaling masira ang mga kalsada at tulay at makaranas ang mga ito ng pagbaha.
“Hangad nating maiwasan ang uri ng kakulangan sa pagkain at bigas na kadalasang nangyayari tuwing hindi maitawid ang suplay dahil sa pagkasira ng daan. Sapat na marahil ang karanasan ng NFA sa mga ganitong uri ng emergency kaya ako ay umaasang maisasakatuparan nila ang kanilang mga plano sa mga susunod na araw upang ating masiguro na walang probinsiyano ang magugutom manalasa man ang bagyong ito at magdulot ng kalamidad.
Ginarantiya naman ng NFA sa publiko na sapat ang kanilang suplay ng bigas na nakalaan para sa emergency at relief operations ng gobyerno sakaling tumama ang mga ganitong kalamidad sa bansa.
Ayon sa ahensiya, nasa mahigit 750,000 sako ng bigas ang nakaimbak sa kanilang mga bodega sa Luzon, at umaabot sa 2.2 milyong sako ng bigas ang nasa kanilang kontrol sa iba’t ibang bodega sa buong bansa. Ibinababa na rin ang halos 4.1 milyong sako ng inangkat na bigas sa mga pantalan sa maraming bahagi ng bansa.
Comments are closed.