PANAWAGAN NI SEN. GO: ‘KAMPANYA KONTRA-SUNOG, PALAKASIN!’

KASABAY ng pagpapahayag ng pangamba dahil sa dumaraming bilang ng mga insidente ng sunog sa bansa, pa­tuloy na isinusulong ni Senador Christopher “Bong” Go ang pagpapalakas ng prevention measures sa mga komunidad upang mabawasan nang magkaroon pang muli ng mga fire-related accidents sa hinaharap.

Sa kanyang video message nang mamahagi ng relief goods para sa mga biktima ng sunog sa Barangay Tambo, Parañaque City noong Miyerkoles, umapela si Go sa mga lokal na awtoridad na paigtingin pa at isulong ang mga fire safety measures sa kanilang komunidad upang matiyak na ang bawat pamilya ay armado ng mga pangunahing kaalaman kung paano maiiwasan ang pagkakaroon ng sunog sa kanilang tahanan.

“Importante na suportahan natin ang kampanya kontra sunog upang maiwasan ang ganitong kataas na bilang ng mga insidente at makapagligtas ng buhay. Halos linggo-linggo tayong bumababa sa mga nasusunugan at nakikita ko ang hirap ng ating mga kababayan. Kahit isang bahay lang ang masunog, damay pati ang kapitbahay,” ani Go.

“Kaya mag-ingat tayo parati. Ang gamit nabibili natin, ang pera kikitain natin. Pero ang perang kikitain ay hindi mabibili ang buhay. Pakiusap ko, maging alerto at magtulungan tayo para maiwasan natin maulit ang mga ganitong insidente,” dagdag pa niya.

Matagumpay ring isinulong ni Go ang pagsasabatas ng Republic Act No. 11589, o mas kilala sa tawag na Bureau of Fire Protection Modernization Act of 2021.

Layunin ng batas na mapaghusay ang kakayahan ng BFP sa pamamagitan ng ten-year modernization program, na kinabibilangan ng pag-recruit ng mas marami pang bumbero, pagbili ng mga bagong fire equipment, at pagdebelop ng specialized trainings, at iba pa.

Namahagi rin ang outreach team ni Go ng mga meals, masks, grocery packs, at shirts sa may 22 pamilya sa Barangay Tambo Hall.

Samantala, ang Department of Social Welfare and Development ay namigay naman ng tulong pinansiyal sa kanila upang makatulong sa pagtatayo nilang muli ng kanilang mga tahanan o masustentuhan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan habang hindi pa sila nakakarekober mula sa trahedya.

Pinayuhan sila ni Go na magtungo sa Malasakit Center na available sa Ospital ng Parañaque kung nangangailangan ng medical assistance.

“Sa mga pasyente, lapitan ni’yo lang ang Malasakit Center dahil para ito sa inyo. Kung may bill kayo, nandiyan ang apat na ahensya ng gobyerno na tutulong para mabayaran ito. At kung may naiwang balanse, may iniwan rin na pondo ang Office of the President para wala na kayong babayaran sa inyong pagpapaospital,” paliwanag pa ni Go.

Muli ring nagpaalala ang senador, na siya ring chairperson ng Senate Committee on Health and Demography, sa publiko na magpabakuna na laban sa COVID-19 para maproteksyunan sila laban sa virus.

“Mga kababayan ko, libre naman po itong bakuna. Magpabakuna na po kayo dahil ito lamang po ang susi sa ngayon upang makapabalik tayo sa normal na pamumuhay,” panawagan niya.