IIMBESTIGAHAN ng antolohiyang ito ng maikling kuwento at personal na sanaysay o creative non-fiction ang mga porma ng danas at trauma ng dahas na direkta at indirektang kinimkin at isisiwalat ng manunulat batay sa kanyang panlipunang relasyon sa mga kasalukuyang kaganapan sa banwa o bansa.
“Ang sakit ng kalingkingan, ramdan ng buong katawan,” ika nga ng matandang kasabihan. Ang banwa ay isang lawas, isang katawan. Ang hambalos sa isang dako ay lumalatay sa buong bansa.
Ambisyon manapa ng BIO (LENTE) na sipatin o lentehan ang bisyon ng manunulat sa samu’t saring isyung nagpapalabo, nagpapabalaho, nagpapaalagwa sa kasalukuyan at kinabukasan ng banwa.
Sa panahon ng fake news at post-truth, paano kakathain ang mga lawas na itinitimbuwang ng ninja cops sa ngalan ng War on Drugs ng tila buang na pinuno? Nakasubo na ba ang kaning may Malaysian at Vietnamese na bukbok? Nabundol din ba ng TRAIN Law o naipit sa martial law? Nakinguyngoy rin ba sa mga biktima ng Lumad killings, Sagay 9, NutriAsia, landslides sa Naga at Itogon o mismong napulbos ng Ground Zero ng Marawi, o binagyo ng Yolanda o Sendong?
Na-trigger ba ng PPP, Pede DeDeralismo o Marcos revisionaismo, kasabay ng pangwawasak sa trolling, cyberbullying at illegal mining? O sadyang na-badtrip ng pinaghihingalong MRT, jeepney phaseout at shabu cover up o ni Roque, Panelo, Gadon, Bertis, Mocha, Sasot o mga stem-celled politikong gusto na namang sa halalan ay makalusot—halimbawa, sina Enrile at Imelda—subalit wala namang mapagsumbungan kundi ang Facebook at Twitter—ito na ang espasyo para sa iyo.
Ipadala ang iyong akda sa [email protected].
Ang manuskrito ay kinakailangang:
–orihinal at hindi pa nalalathala sa anumang paraan;
–naka-attach bilang word file at may 2,500-3,750 na salita o 10-15 pahina double space;
–nakasulat sa Filipino o Ingles o anumang rehiyonal na wika na may salin sa Filipino o Ingles.
Tatangkain ng antolohiya na may representasyon ng manunulat at katha mula sa Luzon, Visayas at Mindanao. Ineengganyong mag-submite ang mga manunulat mula sa rehiyon.
Pagpipilian ng mga editor ang ipinasang manuskrito at pagpapasyahan kung maisasama sa manuskritong ipapasa sa isang press.
Ang mga editor sa nasabing antolohiya ay sina Rolando B. Tolentino, German Villanueva Gervacio at Januar Yap.
Pebrero 28, 2019 and dedlayn ng pagsusumite ng manuskrito.
Comments are closed.