NANANAWAGAN ang KWF sa mga pamantasan at organisasyon na nais itanghal sa kanilang mga espasyo ang Filipino Ito!, isang eksibit na ibinibida ang iba’t ibang salita mula mga katutubong wika ng Filipinas.
Layunin ng eksibit na maipakita ang dibersidad ng wikang pambansa at mga katutubong wika ng bansa. Ang piling 27 salita, mulang vakúl ng mga Ivatan hanggang lépa ng mga Sama, ay itinuturing nang bahagi ng wikang pambansa at nagbibigay-artikulasyon sa katutubong karunungan.
Ilan pa sa mga salitang maeengkuwentro ang bánoy (Philippine eagle), buláwan (ginto), malmag (tarsier), payyo (rice terraces), katarungan (may ugat mulang Sebwano), at marami pang iba.
May elementong interaktibo ang eksibit na naglalayong mailapit pa ang ingklusibong konsepto ng wikang pambansa sa madla, lalo na sa mga kabataang Filipino.
Nauna na itong pinasinayaan sa Senado at Kongreso bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2019.
Libre ang pagpapahiram ng KWF ng mga materyales na bumubuo sa eksibit. Magpadala lamang ng kahilingan sa [email protected].
Comments are closed.