(Panawagan sa BIR) KAMPANYA VS PAGGAMIT NG ‘GHOST RECEIPTS’ PAIGTINGIN PA

HINIKAYAT ni Senador Win Gatchalian ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na paigtingin ang pagsisikap nito na maalis ang paglaganap ng mga tinatawag na ghost receipts at pekeng resibo, at sinabing ang naturang mga aktibidad ay nakababawas sa kita ng gobyerno at nakaaapekto sa malilit na negosyo.

Ayon kay Gatchalian, ang ghost receipts ay tumutukoy sa mga resibo na inisyu na walang pinagbabatayang mga transaksiyon o walang aktuwal na bentahan na nangyari pero may inilabas na resibo.

Ang mga pekeng resibo naman ay mga resibo na hindi awtori- sado ng BIR dahil ang nilalagay rito ay mas maliit na halaga ng benta.

Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui, Jr., umabot na sa P1.3 trilyon ang tinatayang kabuuang halaga ng ghost receipts na nailabas. Batay sa income tax at value-added tax rates na 25% at 12%, ang gobyerno ay nawalan
ng hindi bababa sa P370 bilyon na kita mula sa paggamit ng ghost receipts ng iba’t ibang negosyo.

“Ito ay isang seryosong isyu. Ang pinag-uusapan dito ay sa isang trilyong pisong halaga ng mga mapanlinlang na resibo na umiikot sa sistema, at ito ay nakakaapekto hindi lamang sa koleksyon ng gobyerno kundi pati na rin sa mga nagbabayad ng buwis na gumagawa ng tapat na negosyo,” sabi ni Gatchalian, na binanggit ang isang partikular na kaso ng paggamit ng mga pekeng resibo na nakarating sa kanyang atensyon.

“May binili sila pero ang ibinigay sa kanila ay pekeng resibo. Dahil dito, hindi nila ma-claim ang kanilang input VAT dahil hindi ito inaprubahan ng BIR,” sabi niya sa isang pagdinig ukol sa panukalang budget ng Department of Finance (DOF) at mga kaakibat na ahensiya nito.

Habang isinampa na ng BIR ang mga kasong kriminal laban sa mga bumibili at nagbebenta ng mga ganitong uri ng resibo, binigyang-diin ng mambabatas ang pangangailangang lalo pang paigtingin ang kampanya para mapabuti ang koleksiyon ng buwis at kita ng gobyerno at protektahan ang mga maliliit na negosyong nabibiktima ng mga nagbebenta ng mga ghost receipts o mga negosyong naglalabas ng mga pekeng resibo.

Noong Hunyo ng taong ito, nagsampa ang BIR ng mga kasong kriminal laban sa mga bumibili ng ghost receipts na humantong sa pagkawala ng kita ng gobyerno na numabot sa P17.9 bilyon. Nagsampa rin ang ahensiya ng mga kaso
laban sa mga nagbebenta ng ghost receipts noong Marso, kabilang ang apat na “ghost corporations” na nagdulot ng P25.5 bilyong pagkawala sa kita sa gobyerno.

Ipinaliwanag ng mambabatas na kadalasang mahirap patunayan ang mga gumagawa ng mga transaksiyong may kinalaman sa malalaking halaga ng pera dahil kadalasang sangkot ndito ang mga bangko at iba pang financial institution.

“Gusto ko lang magbigay ng babala sa BIR na nangyayari ang mga ganitong bagay at tayo’y nakakatanggap ng mga impormasyon tungkol dito. Magsumite kayo sa amin ng ulat kung ano ang ginagawa ng ahensya para mapigilan ang paglaganap ng ghost receipts at fake receipts,” sabi niya sa mga opisyal ng BIR.

VICKY CERVALES