HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na maging mas mahigpit sa pag-iisyu ng tax identification number (TIN) IDs.
Kasunod ito ng pagkakatuklas sa naturang mga ID sa opisina mismo ng isang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na sangkot sa iba’t ibang kriminal na aktibidad, upang gawing lehitimo ang katayuan sa trabaho ng kanilang mga empleyado.
Ang mga iniisyung TIN ID ng BIR, ani Gatchalian, ay walang mga larawan na nagpapahintulot sa naturang mga ID na magbigay ng maayos na pagkakakilanlan sa mga indibidwal na sangkot sa mga krimen.
“Dahil ang mga sindikato ay nakakakuha ng mga ID ng gobyerno tulad ng mga TIN ID, ang mga dayuhang mamamayan na sinasabing nagtatrabaho para sa mga POGO ngunit aktwal na sangkot sa mga organisadong krimen, ay maaaring manatili sa bansa at magtrabaho para sa iba’t ibang mga POGO na kasangkot ng mga sindikatong grupo,” pagbibigay-diin ng senador.
“Panahon na para palitan ang mga lumang ID na iyan,” pahayag ni Gatchalian sa isang pagdinig na isinagawa ng Senate Committee on Women, matapos sabihin ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Undersecretary Gilbert Cruz na verified at bahagi ng BIR database ang mga nasamsam na TIN ID mula sa Smart Web Technology, Inc., isang POGO company sa Pasay City na kamakailan ay ni-raid ng mga awtoridad.
Kasunod ng pagkakatuklas na ito, binigyang-diin ni Gatchalian ang kritikal na pangangailangan para sa BIR na muling bisitahin ang mga proseso ng pagbibigay ng ID nito kasama ang mga updated na security measures at komprehensibong identification features.
Bukod sa mga TIN ID, narekober din ng mga awtoridad ang mga Philhealth ID, Certificates of Alien Registration, Alien Employment Permits, at police clearances sa Smart Web Tech na may provisional license na galing na Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR.
Bilang chairperson ng Senate Committee on Ways and Means, isinulong ni Gatchalian ang agarang pagpapatalsik sa industriya ng POGO sa bansa sa gitna ng patuloy na paglaganap ng mga kriminal na aktibidad na nauugnay sa industriya.
“Ang Pilipinas na ngayon ang paboritong palaruan ng mga organisadong sindikato ng krimen at ang mga POGO ay naging daan para sa mga sindikatong ito na magpatuloy sa operasyon dito sa bansa,” sabi pa ni Gatchalian.
VICKY CERVALES