HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang Bureau of Customs (BOC) na higpitan ang mga patakaran upang mabawasan ang pagtagas ng kita ng bansa.
Ang pahayag ay ginawa ni Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Ways and Means,, kasunod ng pagkakakumpiska kamakailan ng mga law enforcement agencies ng mahigit P5.5 bilyong halaga ng smuggled na sigarilyo sa Iloilo City. Ang mga smuggled na sigarilyo, na pinaniniwalaang nagmula sa Malaysia, ay may mga tatak na tulad ng Mighty, Camel, Marvel, at Cannon Menthol.
“Kailangan ng gobyerno na solusyunan ang ilegal na kalakalan ng sigarilyo at iba pang tobacco products dahil apektado nito ang revenue collection ng bansa at pinapahina ang kakayahan ng mga lehitimong negosyante na kumita,” ani Gatchalian.
Hinimok din ng senador ang mga alagad ng batas na masusing imbestigahan ang naturang kaso ng smuggling lalo na sa dami ng mga kontrabandong nakumpiska. Dagdag niya, parang napakadaling gumawa ng ganitong kalaking krimen ang isang foreign national sa bansa na hindi naman dokumentado.
Nauna nang naghain si Gatchalian ng Senate Resolution No. 566, na naglalayong imbestigahan ang tumataas na insidente ng ilegal na kalakalan na kinasasangkutan ng excisable products, partikular na ang sigarilyo, alak, at mga produktong petrolyo. Ang resolusyon ay naglalayong suriin kung gaano kalaki ang ipinagbabawal na kalakalan o illicit trade sa bansa at ayusin ang mga prayoridad ng enforcement agencies at border restrictions.
Aabot sa 42.8% ng kabuuang konsumo ng sigarilyo sa bansa ay mula sa smuggled na tobacco products, ayon kay Gatchalian. Ang tinatayang pagkalugi sa buwis nito ay umabot sa USD213.4 milyon noong 2019. Ang gobyerno ay nawawalan ng humigit-kumulang P1.4 bilyon sa kita dahil sa mga smuggled na vaping products.
“Hindi natin dapat pahintulutan ang ating bansa na maging pugad ng mga kriminal na aktibidad lalo na ng mga dayuhang nakikinabang o umaabuso sa mga umiiral na batas,” dagdag pa niya.
VICKY CERVALES