(Panawagan sa BSP)MGA BAYANI IBIDA SA PERA

PARA hindi malimutan ng mga Pinoy ang utang na loob sa kanila, nararapat lang na ibida ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang ating mga bayani sa ating mga pera , ayon kay Senador Robin Padilla.

Iginiit ni Padilla nitong Miyerkoles na napakahalagang pang-edukasyon din sa lahat kung naka-feature ang mga bayani natin sa pera dahil ang pera ay palaging nakikita ng lahat na Pilipino, anuman ang edad o kasarian.

“Ang alam ko ang pera lagi mo ‘yang nakikita, anuman ang iyong edad, anuman ang iyong kasarian, ang pera lagi mong, siguro ‘di lang oras-oras kundi minu-minuto nakikita mo ‘yan sa harap mo at napakahalaga ang nakalagay niyan ang nakapagtuturo kung saan tayo nanggagaling at sino ba ang pinagkakautangan ng ating kalayaan. At mahalaga alam ng kababayan natin kung sino ang mga ito,” wika ni Padilla sa pagdinig ng Senate Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies.

Tugon ni BSP Deputy Governor Mamerto Tangonan, “cyclical” ang disenyo ng pera kung saan nagamit bilang tema ang mga bayani noong nakaraang taon at ngayon ay gamit ang Philippine Eagle na “endangered indigenous species that we are all proud of.”

Dagdag ni Tangonan, puwedeng ibalik ang tema ng mga bayani dahil ang paggamit ng disenyo ay naaayon sa “Filipino people and its culture.”

Ikinalungkot ni Padilla na marami sa ating kabataan ang hindi na nakakakilala sa ating mga bayani. Inihalimbawa niya ang viral na video kung saan hindi nila alam kung sino si Gomburza, o si Apolinario Mabini.

Naghain ng Senate Bill 451 si Padilla na inaatasang ituro ang Philippine History sa high school curriculum.

“Kaya ang aking pakiusap sa ating BSP, na pagkatapos ninyong pagyamanin ang ating mga endangered species na ating ikinararangal at pinagmamalaki, at iyan din po ay sa turismo din naman iyan na kailangang-kailangan din. Halimbawa may pumunta ritong turista at nagpapalit ng pera nakikita rin nila ito pala ang mga species sa PH maganda rin po ‘yan. Pero isang kahilingan ko po, huwag mo po tatanggalin ang ating bayani sa pera natin,” aniya.

VICKY CERVALES