(Panawagan sa collection agencies) CREDIT CARD FRAUD VICTIMS ‘WAG GIPITIN

Senador Win Gatchalian-4

HINDI dapat makaranas ng panggigipit at unethical debt collecting practices ang mga biktima ng credit card fraud.

Ito ang panawagan ni Senador Win Gatchalian matapos na dumulog sa kanya ang ilang naging biktima ng mga tinatawag na financial cyber thieves na lumobo ang bayarin sa credit card dahil sa panloloko ng mga kawatan.

“Hindi na nga tama na obligahin ang mga biktima na panagutin sila sa bayarin na hindi naman nila dapat akuin, mas lalong hindi tama na pagdaanan nila ang mga mapang-abusong paraan ng paniningil ng utang o bayarin,” ani Gatchalian.

“Sakaling ipasa na ng bangko sa collecting agency ang isang account, nananawagan ako sa mga bangko na bantayan nang maigi ang proseso at siguruhing hindi naha-harass ang mga account holders para lang mapuwersa silang magbayad ng halagang hindi naman nila napakinabangan,” dagdag pa ng senador.

Mayroon nang inihaing panukalang batas sa Senado ang vice chairman ng Senate Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies na naglalayong maproteksiyunan ang mga credit card holder laban sa mga panggigipit na gawain ng mga inatasan ng bangko na mangolekta ng mga lumolobong utang ng kanilang kliyente.

Isang probisyon sa Senate Bill No. 1366 o ang panukalang Fair Debt Collection Practices Act ni Gatchalian ang pagbabawal ng paniningil ng utang ng account holder na under dispute o kinukuwestyon pa.

Kasama sa panukala ang pagbabawal sa pagpapataw ng mga karagdagang bayarin sa utang na sinisingil sa may-ari ng account or credit card. Hindi rin maaring tanggihan ng creditor o nagpautang ang nangutang ng kaukulang impormasyon sakaling hilingin niya ito.

“Mabigat na pasanin na nga ang mga lumolobong bayarin o pagkakautang lalo na kung hindi mo naman kagagawan ito. Mistulang ginigisa sila sa sariling mantika,” giit ni Gatchalian.  VICKY CERVALES

Comments are closed.