PINATUTUTUKAN sa Department of Agriclture (DA) ang presyo ng karne ng baboy at manok sa mga pamilihan habang papalapit ang Christmas season.
Ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), hindi akma ang presyo sa mga palengke sa farmgate price ng karne ng baboy at manok.
‘”Yung presyo ng farmgate price so far ‘yung manok for example nasa P108 – P110 so kung dapat ang retail price nasa P165 pero nakikita natin sa palengke mga P185,” pahayag ni SINAG chairman Rosendo So sa Teleradyo.
Samantala, sinabi ni So na may programa ang SINAG at ang National Food Authority (NFA) para gawing mura ang presyo ng bigas sa merkado.
Aniya, nabibili nila ang kada kilo ng palay ng mula P19 hanggang P20 para matulungan ang mga magsasaka.
Nauna na ring inihayag ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. na malapit nang makamit ang P20 na presyo ng kada kilo ng bigas, na isa sa kaniyang mga pangako noong panahon ng kampanya.
Ginawa ni Marcos ang pahayag sa paglulunsad ng “Kadiwa ng Pasko,” isang programa ng pamahalaan upang mabigyan ng pagkakataon ang publiko na makabili ng mura pero dekalidad na mga bilihin diretso mula sa mga magsasaka, mangingisda at maliliit na negosyo.