ALAMIN ang mga pampublikong paaralan at imprastraktura na substandard ang gawa, at habulin ang mga nasa likod nito.
Ito ang panawagan ni Senador Robin Padilla kahapon sa pamunuan ng Department of Public Works and Highways (DPWH), matapos nitong ipakita ang kalagayan ng isang paaralan sa Gapan sa Nueva Ecija.
Ipinakita ni Padilla sa pagdinig ng Senado sa 2023 budget ng DPWH ang mga larawan ng isang paaralan sa Gapan, na gutay-gutay matapos dumaan ang Typhoon Karding noong Setyembre samantalang ang ilang bahay at istraktura na katabi nito ay maayos pa.
“Wala po ba tayong paraan para alamin kung ang material po nito ay substandard? Napaka-imposible na ang bahay sa paligid niya na walang architect o engineer ay ayos. Pero dito lahat na talino nandoon dapat, ang galing, tingnan n’yo ang itsura. ‘Yan ang tanong ko. Walang nag-check up nito kung ito po ba ay substandard?” aniya.
“Tingnan n’yo ang paaralan, ang bubong. Parang hinipan ni Superman. Nawala lahat,” dagdag ng senador.
Nang malaman nito kay DPWH Secretary Manuel Bonoan na ang mga ginawa ng contractor ay may isang taong warranty kung saan maaaring ma-blacklist sila kung palpak ang proyekto, pabirong tanong ni Padilla: “Kung may mangyaring anomalya, puwede silang sampal-sampalin?”
Ayon naman kay Bonoan, dapat maimbestigahan ito dahil kataka-taka na ito ang nag-iisang nasira sa lugar. “We cannot tolerate, ‘di natin pababayaan po na substandard ang ginagamit,” aniya.
Iginiit ni Padilla na kasama sa core function ng DPWH ang pagtiyak sa kaligtasan ng imprastraktura bilang engineering and construction arm ng pamahalaan.
“Papaano kung may naaksidente diyan? Paano po kung may namatay diyan, nabagsakan, naikutan ng bakal?” tanong niya.
Sinabi naman ni Senador Francis Tolentino na maaaring hindi isolated case ang paaralan dahil may nadaanan din siyang nasirang imprastraktura sa Gen. Tinio at San Leonardo sa Nueva Ecija isang linggo pagkatapos dumaan ang bagyo. Pinayuhan niya ang DPWH na inspeksyunin n din ang nabanggit na mga lugar.
Ayon naman kay Sen. JV Ejercito, “alon-alon” ang bahagi ng bagong kongkretong access road sa Dasmarinas, Cavite kung kaya nahilo siya nang dumaan siya rito habang naka-motorsiklo.
Unang nabanggit ni Padilla ang isyu ng substandard material sa isang pagdinig noong Setyembre, kung saan ibinunyag ni Ombudsman Samuel Martires na nakatanggap siya ng impormasyon tungkol sa paggamit ng substandard na gamit.
Tiniyak ni Bonoan na susunod sa “designs and standards” ang proyektong ipatutupad sa kanyang pamumuno.
Ipinunto ni Padilla ang kahalagahan ng magandang kalidad ng imprastraktura dahil kung maganda ang daan, gaganda ang transportasyon at ekonomiya.
“Muli kong aasahan na iimbestigahan n’yo ang nangyari sa Nueva Ecija,” aniya.
VICKY CERVALES