NANAWAGAN si Senadora Nancy Binay sa Department of Budget and Management (DBM) para sa agarang paglabas ng fuel subsidy para sa transport sector sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo.
“Umaaray na po ang ating mga public transport sector workers. Ngayon pa nga lang sana sila babangon muli dahil matagal silang natengga dahil sa pandemya, nanganganib pa dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis,” sabi ni Binay.
Ayon kay Budget Undersecretary Tina Rose Marie L. Canda, ang Dubai crude benchmark na ginamit bilang batayan sa pagpapalabas ng pondo para sa fuel subsidy program ng 2022 General Appropriations Act ay nilabag na.
Gayundin, natanggap na ng ahensiya ang kahilingan kapwa ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa pagpapalabas nito.
Gayunpaman, naghihintay pa rin ang DBM ng karagdagang rekisito mula sa DOTR kaya hindi pa rin nito mailabas ang subsidiya.
“Kung iisang dokumento na lang pala ang hinihintay and the rest of the criteria for the release of aid is already fulfilled, sana i-release na. Napaka-urgent ng isyu na ito at kailangan ng agarang resolusyon,” ani Binay.
“Sana tayo ang mag-adjust. From the DOTR’s side, ayusin sa lalong madaling panahon ang mga kulang na papeles. Nakikiusap rin tayo sa DBM na i-assess kung talaga bang magpapapigil tayo sa additional na requirement at hindi hahanap ng solusyon,” dagdag pa niya. LIZA SORIANO