(Panawagan sa gobyerno) KAMPANYA VS CHILD HUNGER PAIGTINGIN

Grace Poe

HINIKAYAT ni Senadora Grace Poe ang Inter-Agency Task Force on Zero Hunger na paigtingin sa gitna ng pandemya ang kasalukuyang hakbang upang maiwasang dumanas ang mga batang Filipino ng pagkagutom at malnutrisyon.

Binigyang-diin ni Poe na kailangan ng pagtutulungan ng bawat komunidad ang pagtugon sa problema ng malnutrisyon sa pangunguna at suporta ng gobyerno.

“Reyalidad ang kagutuman sa pandemya at ang mga batang kabilang sa mahihirap na pamilya ang pinakamatinding naapektuhan. Sa pagsirit ng presyo ng baboy, manok at isda, tiyak ang malnutrisyon sa mga bata, maliban na lamang kung tutugunan natin ito upang maiwasan,” ayon kay Poe, isang child welfare advocate.

Sa pag-aaral na inilabas nitong nakaraang linggo, sinabi ng World Bank na nangyayari na ang acute malnutrition sa mga batang Filipinong mahihirap.

“Kapakanan ng tao ang dapat laging pangunahing layunin ng pamahalaan, lalo na ang pagkalinga sa ating mga musmos para ‘di sila mapag-iwanan,” paalala ni Poe.

Sinabi ng senadora na lubhang naapektuhan ang mahihirap na bata sa mga hamon ng distribusyon ng ayudang pinansiyal at kawalan ng sapat na pagkukunan ng pagkakakitaan sa panahon ng lockdown.

“Sa gitna ng pagtiyak ng pamahalaan na panatilihin ang pag-angat at pagbalikwas ng ekonomiya, tila walang sapat na atensiyon sa epekto ng pandemya sa mahihirap na bata at kanilang nutrisyon,” ayon kay Poe.

Inihayag ng World Bank na kahirapan ang isa sa dahilan ng undernutrition at apat mula sa 10 bata sa mahihirap na pamilya ang nabansot.

“Kailangan ng bawat bata sa mahihirap na pamilya ang lahat ng ating tulong at suporta. Ang pagtugon sa kanilang nutrisyon ay ating tiyakin,” dagdag pa ni Poe, may akda ng Masustansiyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act.  VICKY CERVALES

Leave a Reply

Your email address will not be published.