Department of Trade and Industry Secretary Alfredo Pascual at the “Tatak Pinoy” forum at Philippine International Convention Center in Pasay City on Monday (July 15, 2024). DTI Photo
DAPAT simulan ng mga ahensiya ng pamahalaan at ng pribadong sektor ang pagtangkilik sa Filipino-made products at services sa panahon ng procurement, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).
Sa Tatak Pinoy forum na idinaos sa Pasay City, hinimok ng DTI ang stakeholders, lalo na ang government procurement na bumili sa local enterprises.
Ipinaalala ni DTI Undersecretary Rafaelita Aldaba na sa ilalim ng Tatak Pinoy Act, ang mga ahensiya ng pamahalaan ay may mandato na bigyang prayoridad ang locally-made products para sa procurement activities.
“Sa government procurement ang mandate siyempre kailangan tayong magsource ng mga produktong available locally na nami-meet naman ang price, quality, standards. Malaking opportunity na ‘yong market ng produkto mo ay gobyerno,” ani Aldaba.
Sinabi ni Aldaba na ilang SMEs ang nahaharap sa matinding kumpetisyon mula sa mga importer na nagbi-bid sa mas mababang presyo, subalit ang pagtangkilik ng gobyerno ay makatutulong sa mga negosyo na maging globally competitive.
“Ang hirap mag-compete kung imported products na napakababa ng presyo nila kasi malaki na ang scale. Pero at the same time, kailangan naman nating matulungan ‘yong mga small and medium-sized enterprises,” aniya.
“Kung mas maunlad na ang mga kumpanya natin, mas ma-stimulate ‘yong pagnanais na magdevelop ng iba pang produkto. Doon papasok ang innovation,” dagdag pa ni Aldaba.
Ang priority sectors para sa Tatak Pinoy ay ang Industrial, Manufacturing and Transport, Technology, Media, and Telecommunications, Health and Life Sciences, at Modern Basic Needs, kabilang ang renewable energy, food security, at infrastructure.