HINIMOK ni Senador Sonny Angara ang pamahalaan, gayundin ang pribadong sektor, na makilahok sa nauusong community pantries na makikita ngayon sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Nagsimula sa isang komunidad sa Maginhawa Street sa lungsod ng Quezon, ginaya na ito ng napakaraming lugar sa Kamaynilaan, gayundin sa mga karatig-lugar at lalawigan upang makatulong sa mga Filipinong dumaranas ng matinding pagdarahop ngayong pandemya.
“Nakagagaan sa loob na makita nating sa ganitong panahon, ipinakikita ng Filipino ang tunay na kahulugan ng bayanihan. Malaking tulong ang community pantries sa mga kababayan nating halos gumagapang na sa hirap ng buhay,” ani Angara.
“Kung tutuusin, maliit na bagay ang mamahagi ka ng libreng gulay, prutas, bigas, tubig o noodles sa isang tao o pamilya kung ikaw ay mas nakaaangat sa kanila sa panahong ito. Napakarami na ng naghihirap dahil marami ang nawalan ng hanapbuhay. Ang maliit na bagay sa mga nakakariwasa ay malaking tulong para sa mga nagugutom na kababayan natin,” sabi pa ng senador.
Ayon pa kay Angara, mas malaking tulong pa ang maaaring maipahatid sa mga Filipinong naghihirap ngayon kung aayudahan ng gobyerno at ng business sector ang bayanihang ito ng mamamayan.
“Kung kaya naman po nating tumulong, ayudahan po natin. Ito po ang pakiusap natin ngayon sa pamahalaan at sa mga negosyante. Kung nagawa po ng maliit na komunidad ang ganitong uri ng pagtulong, mas malawak na suporta pa ang magagawa ng mga negosyante at ng gobyerno,” dagdag pa ni Angara.
Binigyang-diin ng senador na hindi kailangang malaking halaga ang gastusin upang makatulong sapagkat anumang maipagkakaloob ngayon para sa Filipinong higit na nangangailangan ay taos-puso nilang tatanggapin.
Partikular na nanawagan si Angara sa mga food manufacturer na maaari namang mamahagi ng kanilang mga produkto at magtungo sa mga lugar kung saan naroon ang community pantries.
“Ang maliit na tulong natin sa panahong ito, marami ang makikinabang at malayo ang mararating,” ayon kay Angara. VICKY CERVALES
626166 669095I view something genuinely special in this internet site . 671104
532537 915595We guarantee authentic brands avoiding inferior commercial imitations, or even dangerous counterfeits. 332551