(Panawagan sa IATF) PROBLEMA NG PAMILYANG NAMATAYAN SA COVID-19 AYUSIN

Senador Nancy Binay

“IT may sound morbid, pero kailangan din i-address ng IATF yung mga hinaharap na problema ng mga pamilyang namatayan dahil sa COVID-19.”

Ayon kay Senadora Nancy Binay, tugunan din dapat ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang kawalan ng malinaw protocol kaugnay sa paghawak ng  COVID-related fatalities kabilang ang  cadaver management, storage, cremation at  assistance sa mga pamilya.

Aniya, ang mga pamilya na namatayan sanhi sa COVID-19 ay nahihirapan na kumuha ng death certificates sa mga  LGU at barangay official dahil sa hindi alam ang protocols kung ang pasyente ay nasawi sa loob ng bahay at kung paano ang gagawin, gayong hindi na ina-accommodate sa mga mortuary freezer at crematorium ang mga bangkay nito.

“Sa ngayon pa lang, sana iresolba na natin ito. Ano ang puwede nating magawang ayuda sa mga pamilya? Paano kung walang-wala? Paano ang pambayad sa punerarya para sa cremation? Sino ang mag-aasikaso ng mga requirement? Paano na kung wala nang gustong tumanggap na crematorium?” ani Binay.

“Sa nangyayari sa buong mundo ngayon, it’s never a good time to die. Malungkot at wala kang karamay. ‘Di ka makapagpaalam man lang sa iyong mga mahal sa buhay. Wala kang last rites, or proper burial. Kaya nakakagalit yung meron kang mababalitaang mga nananamantala para pagkakitaan ang pamilyang namatayan,” giit ni Binay.

Binigyang diin ng senadora, sa ilalim ng DSWD Revised Guidelines on Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) para sa  burial assistance, ang nasabing ahensiya ang magbabayad sa funeral at bibigyan ang pamilya ng P10,000 assistance  kahit na hindi magsumite ang mga ito ng case study report.

“Tugunan naman sana ng IATF ang pagbigay ng tuon sa isang worst case scenario para ‘di tayo matulad sa Italy o US. Nakakalungkot kasi wala na ngang pagdadalamhati sa patay, wala pa rin bang kahit konting simpatya’t malasakit doon sa mga nabubuhay?” hiling ni Binay. VICKY CERVALES

Comments are closed.