(Panawagan sa Kongreso) ANGONO IDEKLARANG ‘ART CAPITAL’ NG BANSA

SA hangarin ganap na pasiglahin ang industriya ng turismo, nanawagan sa Kongreso ang lokal na pamahalaan ng isang baybaying bayan sa lalawigan ng Rizal.

Hiling na ideklara bilang Art Capital of the Philippines ang Angono kasabay ng pagdiriwang ng National Arts Month.

Iminungkahi ni Angono Mayor Jeri Mae Calderon sa Kongreso na pagtibayin sa bisa ng isang batas ang titulong “Art Capital” sa kanilang lokalidad na aniya’y kanlungan ng mga alagad ng sining at pinagmulan ng dalawang national artist na sina Maestro Lucio San Pedro para sa musika at Carlos Botong Francisco sa larangan ng visual arts

“Sa tuwing nababanggit ang sining, unang pumapasok sa isip ng mga Pilipino ay ang bayan ng Angono. Ang mga turistang dumadayo, napapa-wow sa galing sa sining ng mga tagarito. Dito sa amin, walang kinikilalang edad, kasarian o estado sa lipunan ang pagiging malikhain,” diin ni Calderon.

Pag-amin ng alkalde, walang anumang dokumento, proklamasyon o batas na opisyal na kumikilala sa Angono bilang Art Capital of the Philippines.

Gayunpaman, nakilala na sa buong mundo ang pinamumunuang bayan sa larangan ng sining.

“For the record, walang official declaration coming from both the Philippine Congress or the Office of the President that Angono is the Art Capital,” anito.

Nang tanungin kung paano at saan nagmula ang titulong Art Capital, ibinahagi ni Calderon na taong 2004 nang bisitahin at tawaging Art Capital ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang bayan kung saan personal na nakita ang likhang sining ng mga kabataan.

Aniya, dito na sinumulan ng kanyang amang noo’y punongbayan ang agresibong pagsusulong ng sining na mas nagpaningning sa munisipalidad na dati lang kilalang pangisdaan at itikan.

Sa ilalim ng administrasyong Arroyo, inihain sa Kongreso ang panukalang nagsusulong na ideklarang Art Capital ang Angono subalit, hindi umusad ang panukala ni Rep. Jack Duavit na kumakatawan sa unang distrito ng lalawigan.

Gayundin, karaniwang dinarayo ang makulay na Higantes Festival ng Angono tuwing buwan ng Nobyembre.
ELMA MORALES