PANAWAGAN SA LGUS, TUMULONG SA PRICE MONITORING

SEN NANCY BINAY

NANAWAGAN si Senadora Nancy Binay sa mga lokal na pamahalaan na makipagtulungan sa Department of Trade and Industry para sa mahigpit na pagmomonitor ng halaga ng school supplies.

Layunin nito na maiwasan ang pananamantala ng ilang mga negosyante na ibenta ang kanilang school supplies sa mataas na halaga lalo na’t magsisimula na ang klase sa Lunes sa mga pampublikong paaralan.

“Marami pa rin ang hindi nakabibili ng mga gamit sa eskuwela since naghihintay pa ang iba ng suweldo. We expect a rush of last-minute school supplies shopping over the weekend, kaya I’m appealing to LGUs to strictly monitor the prices of school supplies and other educational materials to prevent retailers who take advantage of the season to unjustly raise their prices,” giit ni Binay.

Nauna rito, iniulat ng DTI na tumaas ang halaga ng school supplies gaya ng notebooks at pad papers dahil sa umano’y nagmahal ang presyo ng imported raw material mula sa China.

Gayundin, ilang linggo bago ang pagbubukas ng klase ay ipinalabas na ng DTI ang price guide para sa mamimili ng school supplies na kung saan ay nakapaloob dito ang suggested retail prices (SRP) sa ilang specific brands ng notebook, pad paper, lapis, ball pen, krayola, pambura, pantasa at  ruler. VICKY CERVALES

 

Comments are closed.