(Panawagan sa meat vendors) PRICE CEILING NG GOBYERNO SUNDIN

NANAWAGAN si Manila Mayor Isko Moreno sa mga meat vendor na tumalima sa price ceiling na itinatakda ng pamahalaan at makuntento na kahit bahagya ay may mapagkakakitaan pa rin sa gitna ng pandemyang nararanasan sa bansa.

Ang panghihikayat ay ginawa ng alkalde matapos na makatanggap ng ulat na may ilang vendors ang nahihirapang tumalima sa price ceiling at naghahayag ng sarili nilang rason para sa mas mataas na presyo ng kanilang panindang karne.

Bunsod nito, binalaan naman ni Moreno na mananagot ang sinuman na hindi tatalima sa guidelines na ipinatutupad ng pamahalaan.

“Dapat magka-isa ang producer, middleman at vendor. May guidelines na ang national government about the price cap so kailangan sundin or else, me pananagutan kung sinuman ang di susunod,” aniya pa.

“Dini-diplomasya namin hanggat maari, but we are sure and certain about our rules… if they violate, baka mawalan din sila ng hanapbuhay,” babala pa nito.

Binigyang-diin pa ng alkalde na ang pangunahing concern ngayon ng city government ay ang kapakanan at interes ng mga consumers o mga mamimili.

“‘Yung mga consumer, namimili araw-araw… umaga, tanghali, hapon.. mahalaga sa akin ‘yun kaya kailangan maproteksyunan din sila,” dagdag pa ni Moreno.

Inihayag pa nito, kailangan ng local government na balansehin ang lahat at ikonsidera ang kita ng mga producer at ng mga vendor gayundin ang proteksiyon ng mga mamimili.

“Konting sakripisyo lang…kumita ka ng konti pasalamat ka na sa Diyos kasi me pandemya..pero para pag-i-interesan mo pa ang dating mong kita dahil nasanay ka sa mas malaki na lumang kita, pwede mo na isantabi muna ‘yun,” apela pa ng alkalde.

“Yung wag ka lang malugi, may kita kang konte, malusog ka, ligtas ka, nairaos mo ang pandemya blessing na ‘’yun sa Diyos. Sobra-sobra nang blessing ‘yun sa dami ng nasasakripisyo at naging biktima..madami na sumakabilang buhay,” dagdag pa nito.

Matatandaang dahil sa mababang suplay ng mga karne ng baboy dahil sa swine flu ay nagtaasan ang presyo ng mga karne ng baboy at manok sa mga pamilihan.

Sanhi nito nagpasya ang pamahalaan na magtakda na lamang ng price ceiling.
Bilang pagtutol, nag­dekla­ra naman ang mga vendors ng ‘pork holiday’. VERLIN RUIZ

Comments are closed.