(Panawagan sa mga concessionaire) TULOY-TULOY NA SUPPLY NG TUBIG TIYAKIN

Senadora Grace Poe-5

NABABAHALA si Senadora Grace Poe sa putol-putol na serbisyo ng tubig sa west service zone ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) makaraang iulat ang naranasan ng mga residente na kawalan ng tubig sa loob ng diretsong 42 oras.

“Ang kakapusan ng tubig ang pinakahuling dapat nating harapin habang patuloy tayong kumakawala sa banta at epekto ng pandemya,” sabi ni Poe.

Marami nang apektadong pamilya ang labis na nahihirapan sa madalas na pagkawala ng serbisyo ng tubig sa naturang zone na sakop ng Maynilad Water Services Inc. (Maynilad).

“Nananawagan kami sa Maynilad na tugunan ang sitwasyong ito at magtrabaho nang tuloy-tuloy para maibalik ang serbisyo ng tubig sa mga apektadong kabahayan,” sabi ni Poe.

Nabatid na ilang residente na ang gumastos ng aabot sa P1,000 o higit pa sa regular na halaga ng kanilang bill sa tubig, para makabili nito na magkakasya lamang ng ilang araw.

“Hindi maaari ang sitwasyong ito—ang gripo at bulsa ng ating mga kababayan ay hindi dapat lalong matuyuan,” ayon pa kay Poe.

“Sa ilalim ng revised concession agreements (RCA), ang mga concessionaire ay kailangang magkaroon ng alternatibong water supply tuwing may scheduled water interruption,” dagdag pa niya.

Kinilala ng senadora ang pagkilos ng MWSS para pangalagaan ang kapakanan ng mga konsyumer na siyang mandato ng charter nito.

“Inaasahan nating tutuparin ng mga concessionaire ang kanilang mga obligasyon, kung hindi ay magmumulta sila o mapapasô ang kanilang prangkisa,” ani Poe.

Ang panibagong prangkisa ng Maynilad na sumasakop sa west service zone ay inaprubahan ng Kongreso at pinirmahan bilang batas ni Pangulong Duterte noong Disyembre 10, 2021.

Ang mga kostumer ng Maynilad sa mga siyudad ng Muntinlupa, Las Piñas, Parañaque, Pasay, Bacoor, Imus, Cavite, at sa mga bayan ng Noveleta at Rosario na sakop ng supply zone ng Maynilad Putatan Water Treatment Plant, ay nakararanas ng water interruption mula noong Disyembre 2021.

“Naapektuhan ang aming produksiyon ng tubig mula sa Laguna Lake ng amihang nagtutulak ng napakaraming sediment sa aming Putatan treatment plants. Nagresulta ito sa maduming tubig na kailangang pang isailalim sa dagdag na mga proseso bago maipamahagi sa aming mga kostumer,” naunang paliwanag ng Maynilad.

Nagpatupad ng water interruption ang Maynilad noong Disyembre 6 hanggang Disyembre 22, 2021 at Disyembre 27 hanggang Enero 15, 2022. Nitong Enero 21, muling nagkaroon ng interruption sa tubig na tatagal hanggang Pebrero 15.

Sa ilalim ng RCA, ang pagkabigong magbigay ng 24 oras na suplay ng tubig sa itinakdang pressure sa loob ng 15 araw ay dahilan para makansela ang kasunduan.

“Hindi natin matatanggap ang pagpapaikot sa probisyon sa pamamagitan ng pagpapanumbalik sa suplay ng tubig sa ika-15 araw, para lamang matuyong muli ang mga gripo,” sabi ni Poe. “Kahit isang araw lamang na walang tubig ay maaari nang magdulot ng malaking panganib sa ating mga komunidad.”

Hiniling din ng senadora sa MWSS na isumite sa kanyang komite ang buong ulat ng ahensiya ukol sa nasabing pangyayari. VICKY CERVALES