(Panawagan sa mga retiradong pulis) PNP HUWAG IDAMAY SA PULITIKA

NANAWAGAN ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa ilang mga retirado nilang opisyal na huwag idamay ang kanilang organisasyon sa kanilang pagsawsaw sa pulitika.

Ginawa ni PNP Spokesperson BGen. Roderick Augustus Alba ang panawagan matapos na makara­ting sa kanilang kaalaman na may ilang mga dating pulis opisyal at organisasyong nag-eendorso ng mga kandidato sa halalan na gamit ang pangalan ng PNP.

Giit ni Alba, nirerespeto ng PNP ang mga pananaw ng kanilang mga retiradong opisyal, pero walang kinalaman ang PNP sa personal na opinyon sa politika ng mga tao o grupong ito na ipino-post sa social media.

Aniya, hindi gawain ng PNP na magpahayag ng suporta para sa sinumang kandidato at nananatiling non-partisan ang kanilang organisasyon.

Kaya’t babala ni Alba sa mga gumagamit sa pangalan ng PNP sa pamumulitika na hahabulin sila ng pamunuan at maging ang mga grupong politikal na nagbayad sa kanila para sa pag-endorso.
REA SARMIENTO