GAWING madali para sa ta- umbayan ang pagpaparehistro ng kanilang subscriber identity module (SIM) habang sinisigurong pribado ang kanilang datos at impormasyon.
Ito ang binigyang-diin ni Senadora Grace Poe sa simula ng implementasyon ng batas sa rehistrasyon ng SIM ngayong araw, Disyembre 27.
“Tulad ng pagpapadala ng mensahe sa text, dapat maging madali ang pagpaparehistro ng SIM,” ani Poe.
Nanawagan ang senadora sa mga telco at ahensiya ng gobyerno na tiyaking magiging maayos ang implementasyon ng SIM Registration Act o Republic Act 11934.
“Hindi dapat komplikado ang mga proseso, paraan at portal para sa pagrerehistro ng SIM,” sabi ni Poe, isponsor ng nasabing batas.
Aniya, dapat tulungang makapagrehistro ng SIM ang mga may kapansanan, senior citizen, menor de edad, buntis at ang mga walang internet connection.
Nanawagan din si Poe na paigtingin at palawakin ang information drive para maabot at makapagrehistro ang mga mamamayan sa buong bansa at matiyak na hindi makokompromiso ang kanilang mga datos.
Ipinasa ang SIM Registration Act upang labanan ang lumalalang mga text scam na nambiktima at nagpahirap sa milyon-milyong mga Pilipino.
Minamandato ng batas ang pagpaparehistro ng SIM sa loob ng 180 araw mula sa pagiging epektibo ng implementing rules and regulations (IRR) nito.
Para sa kasalukuyang subscriber, inaatasan ang mga telco na isama na ang naunang ibinigay na datos nito sa SIM register na kailangan na lamang kumpirmahin ng subscriber sa platform ng telco.
Pananagutin sa ilalim ng batas ang anumang panlilinlang sa pagbibigay ng impormasyon, paglabag, at kapabayaan.
“Matatamasa natin ang buong potensyal at benepisyo ng batas kung akma at epektibo itong maipapatupad at sama-sama tayong magtutulungan bilang isang bayan,” dagdag ni Poe.
Ang SIM Registration Act ay ang unang batas na nilagdaan ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Ito ay suportado ng mayorya ng mamamayang Pilipino, ayon sa nakaraang Social Weather Station survey.
VICKY CERVALES