HINIKAYAT ni PBA Partylist Rep. Jericho Nograles ang mga private institution at foundation na direktang ibigay sa mga atleta ang kanilang mga pinansiyal na suporta.
Ang apela ng kongresista sa mga institusyon at foundation na tumutulong sa mga atleta ay bunsod na rin ng hindi pagkakasama ng star pole vaulter na si EJ Obiena sa World Indoor Championships dahil sa kawalan ng endorsement mula sa Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA).
Hinimok din ng kongresista ang mga government institution na Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PSCO) na ihinto na ang pagbibigay ng suporta sa PATAFA.
Bukod dito ay pinahihinto ni Nograles ang Philippine Sports Commission (PSC) sa pagbibigay ng pondo sa PATAFA at sa halip ay ibigay na lamang ito direkta sa mga atleta.
Paliwanag ng mambabatas, ang ginawang aksiyon ng PATAFA ay nagpapakita na hindi ito para sa “best interest” ng Philippine sports.
Dahil din sa ginawa ng PATAFA kay Obiena ay nawala na, aniya, ang moral rights para kumatawan ito sa National Sports Association (NSA).
Nabatid na inakusahan ng PATAFA si Obiena ng “falsification of documents” kaugnay sa mga gastos at umano’y delayed na pagbabayad ng suweldo sa kanyang coach na mariin namang pinabulaanan ng atleta. CONDE BATAC