UMAPELA si Senador Sonny Angara sa mga maliliit na minero na kung maaari ay direkta na lamang na ibenta ng mga ito sa gobyerno ang mga gintong mamimina kaysa dumaan pa sa black market.
Sa pamamagitan nito, anang senador, malaki ang kanilang maitutulong sa foreign exchange buffer ng bansa.
Sinabi ni Angara, na sakaling pagtibayin na ni Pangulong Duterte ang “Gold Bill” ay pagkakalooban ng tax exemptions bilang insentibo ang small-scale miners. Ito ay kung direkta na lamang nilang ibebenta sa Bangko Sentral ng Pilipinas ang kanilang ginto.
Ang Gold Bill ay mababatid na iniakda at inisponsor ni Angara bilang chairman ng Senate committee on Ways and Means.
Sa ilalim ng naturang batas, aamyendahan ang Sections 32 at 151 ng National Internal Revenue Code upang malibre sa tax at sa excise taxes ang ibebentang ginto ng mga minero sa BSP.
“Kung ibebenta ng mga minero ang kanilang ginto sa BSP, malaki ang kanilang maitutulong upang mapalakas ang gross international reserves (GIR) ng Filipinas. Liban pa riyan, makatitiyak din silang magiging patas ang BSP sa presyo ng bibilhing ginto, ‘di tulad sa black market kung saan tinatawaran sila nang halos palugi,” ayon kay Angara na nakatakdang bumisita sa Compostela Valley na siyang may pinakamalaking gold deposits sa bansa. Mababatid na 10 sa kabuuang 11 bayan ng naturang lalawigan ay may minahan ng ginto.
Ang GIR ay ang kabuuang halaga ng lahat ng foreign currency na pinangangasiwaan ngayon ng BSP na kinabibilangan din ng ginto. Paniniguro ito na hindi mauubusan ng foreign reserves ang bansa na maaari nitong gamiting pambayad sa imported goods and services o kaya naman ay sa mga pagkakautang ng gobyerno.
Nitong Marso, itinala ang GIR sa $85.2 bilyon mula $82.78 bilyon noong Pebrero ng taong kasalukuyan.
Ayon pa kay Angara, sakaling pirmahan at isabatas na ng Pangulo ang Gold Bill, maaari rin nitong suportahan ang industriya ng small-scale mining tulad ng nilalayon ng RA 7076 o ang People’s Small-Scale Mining Act of 1999. VICKY CERVALES
Comments are closed.